Hindi kaagad natanggap ni Federico Moreno ang pagkamatay ng kanyang ama na si German Moreno.
Nahirapan si Federico na tanggapin ang katotohanan dahil sinamahan pa niya si Kuya Germs sa routine check up nito sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City noong Miyerkules.
Nang matapos ang check up at nagpaalam si Federico kay Kuya Germs, hindi niya natandaan na sumagot ang kanyang ama at parang hindi nila tiningnan ang isa’t isa.
Kinabukasan, isinugod uli si Kuya Germs sa nasabing ospital dahil napansin ng kanyang pamangkin na si John Nite ang malalim na paghinga at pamumutla niya.
Fifteen to twenty minutes ang layo ng bahay ni Kuya Germs sa St. Luke’s kaya ang distansya ng ibiniyahe niya ang unang tinanong ng mga doktor.
Kung na-survive ni Kuya Germs ang heart attack niya noong Huwebes, malaki ang tsansa na maging vegetable siya dahil nawalan na pala ng oxygen ang kanyang utak.
Walang Tulugan dalawang dekada na rin
Sure ako na mataas ang rating ng Walang Tulugan With The Master Showman noong Sabado dahil inabangan ang live telecast ng programa mula sa Our Lady of Mt. Carmel Shrine, ang kinalalagakan ng labi ni Kuya Germs.
Eleven thirty-five p.m. nang umere ang Walang Tulugan pero nagpuyat ang televiewers dahil tinutukan nila ang late night show ni Kuya Germs sa GMA 7.
Nagulat ang manonood nang malaman nila na dalawang dekada na pala sa telebisyon ang Walang Tulugan at ngayong 2016 ang 20th year ng television show ni Kuya Germs na number one sa GMA Pinoy TV.
May premonition daw Kuya Germs parang ‘namaalam’ na sa mga tagapakinig ng radio
Walang natatandaan si Federico na may premonition ang pagpanaw ni Kuya Germs noong Biyernes.
Pero para sa listeners ng radio program ni Kuya Germs sa dzBB, tila premonition ang paulit-ulit na pasasalamat niya sa lahat ng advertisers, press people, mga artista at fans, isang araw bago siya inatake sa puso.
Napakinggan ko pa sa radyo ang last broadcast ni Kuya Germs at natatandaan ko ito dahil binisita ko noon sa PNP Custodial Center sina Senator Bong Revilla, Jr. at Senator Jinggoy Estrada.
Natawa ako dahil narinig ko ang tanong kay Kuya Germs tungkol sa paulit-ulit na pagbati niya sa lahat ng mga sumusuporta sa kanyang mga programa.
Ibuburol ng isang gabi sa studio ng GMA 7 ang labi ni Kuya Germs sa Miyerkules, January 13.
Hindi na siya ibabalik sa Our Lady of Mount Carmel Shrine dahil sa Huwebes ang libing niya sa Loyola Memorial Park sa Marikina City. Mula sa GMA 7, ididiretso na ang labi ni Kuya Germs sa kanyang huling hantungan.
John Nite hindi alam kung kayang ipagpatuloy ang Walang Tulugan…
Question mark pa ang magiging kapalaran ng Walang Tulugan dahil sa pagkawala ni Kuya Germs.
Hindi pa masagot ni John Nite sa nakaraan na telecast ng kanilang show ang mangyayari sa Walang Tulugan dahil hindi pa nila nakakausap ang management ng Kapuso Network.
Bagamat gamay na gamay na ni John ang pagiging co-host ng Walang Tulugan, iba pa rin kung si Kuya Germs ang headliner ng programa nila.
Talagang end of an era ang nangyari nang magpaalam si Kuya Germs noong January 8.