Maglalabing-isang taon na mula nang mamayapa si Da King Fernando Poe, Jr. sa Lunes (Dec. 14) pero malakas pa rin ang impluwensiya niya sa anak na si Sen. Grace Poe.
In fact, pati sa panawagan niya sa Second Division ng COMELEC na irekonsidera ang naunang desisyon nito na humaharang sa kaniyang pagtakbo bilang pangulo ng bansa, ang title ng movie ng ama niya na Kahit Konting Pagtingin ang kanyang nasambit.
Ani Grace, sana raw ay bigyan ng “kahit konting pagtingin” ng ahensiya ang mga ebidensiyang isinumite niya na magpapatunay na 2005 pa lang ay bumalik na siya sa bansa mula sa paninirahan sa Amerika - na sapat lang para siya ay makatakbo bilang pangulo sa halalan sa Mayo.
“Alam mo para sa akin, palagi ko namang sinasabi, kung ano ang nararapat ay ‘yun ang aming gagawin. Umaasa ako sa katarungan, naniniwala ako malakas ang aming kaso,” sabi ni Grace sa isang panayam sa mga mamamahayag nitong Lunes.
“Para rito sa division ng COMELEC, hinihiling ko lang, kahit konting pagtingin sa aming mga dokumentong naisumite,” dagdag pa ng senadora.
Nauna nang inireklamo ng abogado ni Grace na si Atty. George Garcia ang umano’y pagsasawalang-bahala ng COMELEC sa mga isinumiteng katibayan ng senadora na nagpapatunay na tumira na siya at ang kaniyang pamilya sa Pilipinas pagkatapos mamatay si FPJ noong Dec. 14, 2004.
Umaasa si Grace na babaligtarin ng COMELEC ang naunang desisyon ng Second Division nito na pagdidiskwalipika sa kaniya bilang kandidato.
Jennylyn ayaw mag-entertain ng pressure
Para kay Jennylyn Mercado, si Jericho Rosales na ang “pinaka” sa lahat ng naging leading man niya.
“Siya ‘yung “pinaka”, pinakamabait, ang galing, kasi makikita mo sa mga staff kung paano niya tinatrato, mula sa malilit hanggang sa malalaki at maalaga siya sa lahat,” sabi ni Jen patungkol sa leading man niya sa Walang Forever na entry to the 41st Metro Manila Film Festival (MMFF). Nang una nga raw niyang malaman na si Echo ang magiging leading man niya, umokey daw agad siya at wala nang kwestyun-kwestyon pa kung bagay ba sila or kung may chemistry ba.
“Kasi kunmbaga, kayo ang gagawa ng ikababagay n’yo sa isa’t isa. Kumbaga, mag-i-start ‘yun, katulad ‘yung sa amin ni Derek Ramsay, parang hindi naman, parang ‘yung mga tao (sinasabi), “hindi sila bagay”. Pero nang sinimulan na namin, parang pwede. Kasi kayo naman ang bubuo nu’n eh. Magkasundo kayo, maganda ‘yung foundation ng friendship, maganda ‘yun lalabas.”
Ang produksyon at team ng Walang Forever ay same group na bumuo ng English Only, Please na alam nating naging box office hit last year sa MMFF. Sa tingin ba niya ay mauulit ang success ng movie tulad last year?
“Siyempre, nagwi-wish kami na sana. Pero kung hindi okay na rin,” she said.
Dahil mabibigat nga rin ang mga makakabangga nilang pelikula sa filmfest, say ni Jen ay ayaw na lang niyang i-pressure ang sarili.
“Walang pressure, ayokong i-pressure ang sarili ko. Stress ‘yan, eh. Ayoko munang mag-entertain ng kahit anong pressure. Basta ano lang kami, kung ano lang ang dumating, sige tatanggapin namin.”
Aminado naman siyang may kaunting kaba sa mga loveteam na makakalaban.
“Siyempre, ang lalakas nila. Kung hindi man namin matapatan or masabayan, basta ang importante nagawa namin nang maayos.”
Bagamat iisa ang direktor ng Walang Forever at EOP na si Dan Villegas, siniguro ni Jen na iba naman ang maio-offer nila this time.
“Inalalayan niya ‘yun nang mabuti. Na dapat ibang-iba ito talaga.”
Walang Forever is showing on Dec 25 mula sa Quantum Films, MJM Productions, Tuko Film Productions, and Buchi Boy Films.
Coco at Maja, tinatarget ang mga kawatan
Walang sasayanging oras sina Cardo (Coco Martin) at Glen (Maja Salvador) sa pagtunton sa mastermind ng Budol-budol gang sa FPJ’s Ang Probinsyano.
Sabay sa paglaganap ng modus ng sindikato, magpapanggap sina Cardo at Glen bilang mag-asawang mayaman upang mahuli ang mga kawatan.
Hindi rin naman basta-basta susuko ang mga lider ng sindikato na sina Victor (Jay Manalo) at Marita (Yayo Aguila) na lalaban at mauudyok gumamit ng dahas para maprotektahan ang mga sarili.