Ginugunita ngayon ang 12th anniversary ng PM (Pang-Masa) ng Star Group of Companies.
Bago ako naging daily columnist ng Pilipino Star NGAYON (PSN), una muna akong nagsulat sa PM at isa ako sa mga pioneer columnist nito.
Malaki na ang improvement ng PM mula nang mag-umpisa dahil may website na rin ito kaya nababasa sa buong mundo.
Piping saksi ang PM sa showbiz scandals and intrigues at sa mga artista na sumikat at natsugi ang career.
Nabawasan na ang ningning ng mga artista, nawala na sila sa sirkulasyon pero humahataw pa rin ang PM.
Kukulangin ang espasyo kung iisa-isahin ko ang mga name ng mga artista na nagbabu ang career. May mga nag-disappearing act dahil kung hindi nag-asawa, nag-migrate sa ibang bansa, pinagsawaan ng publiko dahil sa kanilang mga drama at ‘yung iba, nag-self destruct na epekto ng paglaki ng kanilang mga ulo at pagkalunod sa isang basong tubig.
Sarah at Jennylyn magkaedaran ang career
Halos kasabay ng “pagsilang” ng PM ang pag-uumpisa ng career ng mga artista na tinitilian at hinahangaan ngayon.
Nandiyan si Sarah Geronimo na ngayong 2015 din ang 12th anniversary sa showbiz.
Matanda lang ng isang taon ang PM sa showbiz career nina Jennylyn Mercado, Yasmien Kurdi, at Mark Herras na mga produkto ng Starstruck, ang first reality based artista search ng GMA 7.
More than twelve years na rin sa showbiz si Angel Locsin na nag-umpisa ang acting career noong 2002 at nabigyan ng malaking break sa showbiz nang mamatay noong 2003 ang dating boyfriend na si Miko Sotto.
Lampas 12 years ago nang mabigla naman ang fans ni Rico Yan dahil sa untimely death nito sa Palawan noong March 2002.
Ganung taon na rin ang nakararaan nang magsimulang bumagsak ang career ng isang bold star na sumobra ang laki ng ulo at biktima ng self-destruction dahil sa droga na hinaluan ng matinding ilusyon at kayabangan.
Thirteen years ago nang gamitin ng GMA 7 ang Kapuso brand at ipalabas ang pilot episode ng Wish Ko Lang. Si Bernadette Sembrano ang unang host ng Wish Ko Lang at si Vicky Morales ang ipinalit sa kanya nang mag-ober da bakod siya sa ABS-CBN.
May mga naniniwala na hindi masuwerte ang Number 13 pero kabaligtaran ito sa PM, pati na kina Sarah, Jennylyn, at sa Wish Ko Lang dahil namamayagpag pa rin sila sa entertainment industry.
Si Manila City Mayor Joseph Estrada ang 13th President of the Philippines. Nagbabu siya sa Malacañang Palace noong 2001.
Dumaan sa matinding pagsubok ang political career ni Papa Erap, 13 years ago pero nakabalik siya at hanggang ngayon, pinahahalagahan sa mundo ng pulitika ang kanyang mga opinyon.
Twelve years ago, hindi pa dusa ang bumiyahe sa EDSA at sa mga kalsada sa Metro Manila.
Ngayon, barado ang lahat ng mga kalye kapag umaapaw ang mga sasakyan sa EDSA na kinikilala na ngayon bilang National Parking Lot ng Pilipinas.
Siyempre, twelve years ago, mura pa ang bayad sa mga sinehan at ang pamumuhay ng mga Pilipino pero hindi magsasawa sa patuloy na paghahatid ng relevant news ang PM na forever reliable and credible. Puwedeng-puwede ko nang i-claim na ang PM ang number one afternoon tabloid ngayon sa Pilipinas.