Acting ni Susan Roces bigay na bigay pa rin

Nagpaalam lang si Susan Roces mula sa taping ng Ang Probinsyano noong Huwebes para makadalo siya sa despedida lunch na ibi­nigay sa former movie writer na si Baby K. Jimenez sa Gloria Maris, Greenhills.

In character si Manang Inday nang dumating sa despedida lunch na hindi niya puwedeng ma-miss dahil parang kapamilya ng mga Poe si BKJ.

Isa si Manang Inday sa mga pinapanood sa teleserye ni Coco Martin na hango sa blockbuster movie ni Fernando Poe, Jr. noong 1997.

Muling pinapatunayan ni Manang Inday ang kanyang pagiging Reyna ng Pelikulang Pilipino dahil sa acting niya sa Ang Probinsyano.

Puring-puri ng televiewers ang madir ni Senator Grace Poe sa kanyang role bilang Lola Flora ni Ador/Cardo na ginagampanan ni Coco.

Napapa-wow ang televiewers sa natural na pag-arte ni Manang Inday, lalo na sa intense confrontation scene nila ni Jaime Fabregas tungkol sa tunay na pagkatao ni Cardo na nagpapanggap bilang Ador.

Proud na proud si Mama Grace sa performance ng nanay niya at ng buong cast ng Ang Probinsyano.    

Never na nakaligtaan ni Mama Grace na panoorin ang teleserye na tinatampukan ni Manang Inday. Talagang nakakahanap siya ng oras para manood, kahit sangkatutak ang kanyang commitments.

GP nase-senti ‘pag naririnig ang mga kanta ni FPJ

Inamin nga pala ni Mama Grace na hanggang ngayon ay nakakaramdam pa rin siya ng lungkot sa tuwing nakakarinig ng mga kanta ni Fernando Poe, Jr.

Pinatugtog ang kanta ni FPJ na Kumusta Ka sa recent guesting ni Mama Grace sa presidential forum ng dzMM.

“Nasesenti lang lalo na kapag pumupunta ako ng mga probinsya, pinapatugtog ‘ yan sa mga lokal na istas­yon. Medyo nasesenti ka naman kahit papaano kapag maririnig ang mga kanta ng tatay ko,” ang sabi ni Mama Grace nang tanungin siya ni Anthony Taberna tungkol sa nararamdaman niya  kapag nakakarinig siya ng kanta ni Kuya Ron.

Idinagdag ni Mama Grace na masuwerte siya dahil maraming nagpapaalala sa kanya tungkol kay Kuya Ron na pumanaw noong 2004.

“Masuwerte ako dahil may mga pelikula at mga kanta ang tatay ko na pwede kong balik-balikan.”

Hindi lamang ang mga kanta ni Kuya Ron ang naririnig ni Mama Grace dahil ginagamit sa Ang Probinsyano ang voice clips ng King of Philippine Movies kaya nasesenti rin ang kanyang loyal fans.

Megan at Lauren ayaw matulad kina Ara at Cristine

Parang hindi naman nagpapaapekto si Megan Young sa mga pang-iintriga na mas mahusay umarte ang kanyang kapa­tid na si Lauren sa mga eksena nila sa MariMar.

Ang sey ng intrigerang fans, may mga moment na nasasapawan ni Lauren si Megan sa kanilang mga confrontation scene.

Hindi big deal ‘yun dahil mas madali ang guma­nap na kontrabida kesa mabait na bida ‘no!

Mapagmahal na kapatid si Megan. Knowing her, tatawanan lang niya ang pagkukumpara na ginagawa ng fans na hobby na ang intrigahin ang mga artista, magkakapatid man o hindi.

Masyadong malalim ang love nina Megan at Lauren para sa isa’t isa kaya hinding-hindi sila maaapektuhan ng mga kontrobersya. Malabong matulad sila sa magkapatid na Ara Mina at Cristine Reyes na uma­bot pa sa korte ang alitan pero ang ending, nagkasundo rin nang mag-mature, magkaroon ng mga anak at dahil blood is really thicker than water.

Show comments