MANILA, Philippines – Pahinga na muna sa pulitika ang dating Ilocos Sur Governor na si Chavit Singson. Hinayaan na nga lang ito sa mas batang policitians gaya ng anak niyang Gobernador ng Vigan City ngayon na si Ryan Singson. Mas nakasentro ang utak niya sa kanyang mga negosyo at pagtulong sa kandidatura sa Senado ng kaibigang si Manny Pacquiao.
Ang isa sa natsitsismis na bago niyang negosyo ay ang pagbili ng GMA Network kung saan kasosyo niya si Pacquiao. Eh, may bagong TV show sa GMA News TV si Gov. Chavit na Happy Life kaya mas lalong umingay ang tsismis sa pagbili niya ng Kapuso Network.
Ayon kay Gov. Chavit, nais niyang ipamigay lahat ang kanyang kinita dahil alam niyang hindi niya ito madadala sa hukay. Kaya naman ‘yan ang isa sa layunin ng bagong TV show.
“’Yun ang daan namin na mamigay ng tulong! Mga bahay, eskuwelahan, mamimigay kami!” pahayag ni Gov. Singson sa entertainment press na bumisita sa Vigan City last weekend.
Manggaling ang rekomendasyon ng tutulungang lugar mula sa local officials ng bawat lalawigan, sa DSWD at civil organizations upang malaman kung sino ang pinakamasipag na tao.
“Gusto ko kasi, ‘yung reward system. Ayoko ng dole out!” rason ng dating gobernador. Mga power plants daw ang kanyang pinatatayo ngayon. May mga foreign companies na siyang kinuha upang mamamahala ng power plants na ‘yon.
Gagawa muna si Gob. Singson ng 12 episodes bago nila ilabas ang programa. Balak nilang ilabas ‘yon sa Nobyembre kapag natapos ang 12 episodes. Tuwing Sunday ito mapapanood sa ganap na alas nuwebe nang gabi.
So ‘pag nabili na nila ang GMA, every day na ang show niya?
“Hindi! Ha! Ha! Ha!” sey niya.
So November ay mabibili na niya ang GMA?
“Hindi! Hindi! Hindi! Mabuti na ‘yung maliwanag, huh! Ha! Ha! Ha!” diin ni Gob. Chavit.
“Alam mo, marami kaming kasosyo na gustong mag-invest! Hindi puwedeng pangalanan. Ang pagbili ng industriya ng telebisyon, hindi puwedeng bumili ang foreigners. Nasa batas ‘yan.
“Ang problema namin, paano bilhin. So kailangan, umutang kami ng pambili namin sa mga foreigners. Puwede ‘yon. Hindi sila puwedeng bumoto sa board. So ‘yun ang ginagawa namin ngayon,” katwiran niya.
Magkano ba ang pondo na kailangan nila para mabili ang GMA?
“Mahirap pag-usapan ‘yan eh,” iwas ng gobernador. “Mahirap kasing i-preempt ang isang negosasyon na ganyan eh,” sey niya.
Kasama rin ba niya si Pacquiao sa pagbili ng GMA?
“Si Manny, kasama ko rin. Lahat ng negosyo ko, sinasama ko si Manny. Tinuturuan kong magnegosyo si Manny. So kasama si Manny Pacquiao!” lahad niya.
Pumasok na rin siya sa pagbili ng Channel V noon. Hindi nga lang kumita ‘yon kaya binitawan na nila.
“Mas maganda na ‘yung kumikita so Channel 7,” sabi niya.
Saan bahagi na ang negosasyon nila sa Kapuso Network?
“Wala pa pero nag-uusap na! Malayo pa kasi uutang pa kami. Kung hindi kami makautang lalaban pa nang marami si Manny Pacquiao! Ha! Ha! Ha!” biro ni Gov. Chavit.