Stairway To Heaven magbabalik sa Kapuso

MANILA, Philippines - Ang isa sa mga pinakatinutukang Koreanovela sa bansa na Stairway to Heaven ay magbabalik sa Kapuso network simula sa Lunes. Muling ipaparamdam ng programa ang wagas na pag-ibig at ang sakit ng pagkawalay sa taong minamahal.

 Pinagbibidahan nina Choi Ji Woo at Kwon Sang Woo ang serye na magsisimula sa pagharap nina Cholo Cha (Kwon Sang Woo) at Jodi Han (Choi Ji Woo) sa buhay bilang magkasintahan. Isang pagsubok agad ang kanilang haharapin nang magdesisyon ang pamilya ni Cholo na pag-aralin siya sa ibang bansa at maiiwan si Jodi para harapin ang malaking pagbabago sa kanyang buhay. Magpapakasal muli ang kanyang ama at matapos nito ay mamumuhay si Jodi kasama ang mapagmalupit na madrastang si Maita (Lee Hui Hyang) at mga anak nitong sina Tristan (Shin Hyun Jun) at Eunice (Kim Tae Hee).

Makalipas ang ilang taon, mahaharap si Jodi sa isang malagim na aksidente na siyang babawi sa kanyang mga alaala. Sa muling pagkukrus ng landas nina Jodi at Cholo, maalala kaya ng puso ang pagmamahalang nakalimutan ng isipan?

Tunghayan muli ang kanilang wagas na pagmamahalan sa Stairway To Heaven simula ngayong Lunes, sa ganap na ika-9:40 ng umaga sa GMA.

Show comments