Mabuti naman at inamin na at nag-issue ng public apology si Enrique Gil dahil sa nangyaring kaguluhan sa eroplano dahil sa kanyang kalasingan. Hindi iyong sinasabing nabastos niya si Jessy Mendiola, o kamuntik na silang magkasuntukan ni Luis Manzano ang malaking issue diyan. Ang mas malaking issue ay nilabag niya ang batas dahil sa kaguluhang naganap sa loob ng eroplano while in flight.
Talaga palang lumaki ang gulo dahil nakapag-report ang flight crew sa piloto na nagsabi namang ipapaaresto niya si Enrique pagbaba ng eroplano. Pagdating sa London, nakiusap na diumano ang ilang executives ng ABS-CBN para huwag nang ipaaresto si Enrique, at tiniyak na wala naman isa man sa kanyang mga kasama ang magsasampa ng anumang reklamo. Mabuti marami sila, at kahit na nagkaroon nga ng kaguluhan, sila lang ang affected. Siguro nakita rin iyon ng ibang pasahero, pero dahil sa rami nga nila, hindi na umabot sa lugar ng iba ang kaguluhan.
Ganoon pa man, hindi masasabing talagang ligtas na si Enrique. Maaari pa rin siyang sampahan ng demanda ng Philipine Airlines kung hindi nila maaayos iyan. Malaking problema iyan dahil ang multa sa ganyang kaso ay hindi bumababa sa kalahating milyong piso, at maaaring magkaroon pa ng pagkakakulong.
Kaya sa ngayon nga, dapat unahin nilang ayusin ang problema talaga sa airline company, dahil sila ang nasa poder para unang magsampa ng demanda.
Napikon din naman ang nanay ni Jessy Mendiola, dahil bukod sa nabastos na nga ang kanyang anak, patuloy pa iyong bina-bash ng mga fans ni Enrique Gil sa social media. Siguro nga natural na sa fans iyong ganoon para ipagtanggol ang kanilang idol, lalo na’t noong una naman ay nanahimik si Enrique at lumalabas na tsismis lamang ang lahat. Nagbanta ang nanay ni Jessy na kung hindi titigilan ng mga fans ni Enrique ang masasamang sinasabi laban sa kanyang anak, mapipilitan din siyang magsampa ng demanda laban kay Enrique, base sa nagawa noong pambabastos kay Jessy dahil sa sobrang kalasingan sa loob pa naman ng eroplano na maraming nakakakita at nakakarinig.
Pero mula naman sila sa isang network, at palagay namin hindi naman papayagan ng ABS-CBN na lumaki pa ang gulong iyan, lalo na nga at umaangat ngayon ang career ni Enrique. Hindi nila papabayaang masira ang isang potential money maker.
Pero tama ang sinasabi nila, dapat tumigil na si Enrique sa pag-inom. Hindi pala niya kaya. Hindi lang ito ang first time na may narinig kaming hindi maganda tungkol kay Enrique, dahil sa kalasingan.