MANILA, Philippines - Ni minsan, hindi pa sinuwerte ang Pilipinas sa mga palaro ng Sepak Takraw pero dahil kay Jason Huertas at sa Philippine Sepak Takraw team, nakapag-uwi na rin ang bansa ng silver medal sa nakaraang SEA Games na ginanap sa Singapore.
Ang Sepak Takraw ay isang sport na nagmula umano sa pambansang laro nating sipa, at ang kwento ng isang atleta na nakapagtala ng isang pambihirang tagumpay sa Sports U sa Huwebes (July 29), 4:30 p.m. sa ABS-CBN. Panoorin ang kwento kung paano nakamit ni Jason, na tubong Marikina, ang napakalaking panalong ito.
Tunghayan din sa episode sa Huwebes ang pagpapasilip ng Umagang Kay Ganda weatherman na si Alvin Pura sa kanyang libangan sa likod ng camera, ang paghabol sa alon at pagsurf sa mga ito. Dadalin niya tayo sa Zambales na isang kilalang surfing area sa bansa.
Samantala, ang host na si Dyan Castillejo naman ay sasama sa Philippine Army Dragonboat team, na nakasungkit naman ng gintong medalya sa Japan Dragon Boat Championships sa Osaka, Japan, para makasama sa kanilang workout sa Dyanfit segment.
Naglalayon ang Sports U na ipakilala ang mga atletang may mga nakaka-inspire na kwento at posibleng maging sports star ng bansa sa hinaharap. Itinataguyod din nito ang pagkakaroon ng fit na pangagatawan at healthy lifestyle sa pamamagitan ng pagbabahagi kung paano ito nagagawa ng mga sikat na personalidad.
Mga transgender at bading grabeng magpaharurot ng motorsiklo
Isang kakaibang trip ang masasaksihan sa Motorcycle Diaries ngayong Huwebes, 10:00 p.m. sa GMA News TV dahil makikilala ni Jay Taruc ang mga Diyosa ng Lansangan o mas kilala bilang Bolinao Beauty Queen Riders.
Agaw-pansin ang grupong ito mula sa bayan ng Bolinao sa Pangasinan na pawang gays at transgenders ang miyembro. Kung humarurot sa kalsada ang mga “binibini” sakay ng kanilang motorsiklo, daig pa ang mga barako. At para higit silang makilala, makiki-angkas kay Jay Taruc ang Diyosa sa Pagpapatawa – ang Kapuso comedian na si Boobay! Makikipagsabayan sa kanila si Boobay hindi lang sa pagmomotor kundi pati sa pagba-basketball.
Ang isa pang Kapuso na si Kevin Santos, hindi lang pag-arte ang talent—bago pala siya mag-artista, isa siyang true-blue motorcycle rider. Sa katunayan, dati siyang racer! Isang hamon ang ibibigay sa kanya ng Motorcycle Diaries: bibiyahe si Kevin sakay ng kanyang motorsiklo mula Maynila papuntang Zaragoza sa Nueva Ecija. Susubukan din niya ang makabagong paraan ng pagtitinda doon gamit ang motorsiklo at hindi rin niya uurungan ang manghuli ng dagang bukid para kainin!