Dumadagundong doon sa atrium ng mall iyong malakas na sigawan at palakpakan, mararamdaman mo talaga na parang gumagalaw ang flooring nila dahil doon. Wala pa si Daniel Padilla, ipina-flash pa lamang iyong pictures niya sa malalaking screen, ganoon na ang ingay. Nang dumating ang matinee idol na si Daniel, mga grabe. Kumanta siya, hindi mo na marinig ang kanta niya dahil sa lakas ng tilian. Mukha ngang hindi na interesado ang kanyang fans sa kanta niya, ang importante lang sa kanila ay nakikita siya, tutal nga naman mapapakinggan nila ang kanta niya sa CD. Ang importante sa kanila nasa harapan nila si Daniel Padilla, live.
Launching noon ni Daniel bilang isang endorser, at revelation din kung bakit ganoon siya ka-pogi. Kasi sabi niya grade six pa lang siya gumagamit na siya ng Bench Fix, iyong Claydoh. Hindi iyan kagaya noong ibang gel o nausong pomada noong araw na nakakakalbo. Natural daw kasi ang Bench Fix, sabi naman ni Ben Chan, kaya safe iyong gamitin kahit na mahabang panahon.
Anyway, back to Daniel, late siyang dumating. Iyong launching na sinasabi nilang magsisimula ng alas-singko, alas otso na ng gabi nagsimula. Naipit si Daniel ng matinding traffic at malakas na ulan, pero iyong mga fans, hindi talaga umalis. Kuntento na sila noong ipina-flash sa screen ang mukha ni Daniel, titili na sila. Tapos tatahimik ulit, basta nakita na naman ang pictures ni Daniel, dagundong na naman ang mall sa tilian.
Ang maganda pa riyan, may panlaban pala tayo sa foreign stars. Tandaan ninyo, hindi lang Araneta ang napuno ni Daniel. Ang crowd ng concert niya sa MOA Arena, pareho lang ng dami ng audience ni Chris Brown.
EB biglang lakas dahil kina Alden at Yaya Dub
Talagang hindi maabutan ng kasabay nilang show ang Eat Bulaga batay sa lumabas na survey ng dalawang main survey groups. Ang sinasabing dahilan ng isang grupo, dahil daw sa ginagawa nilang love team nina Alden Richards at Yaya Dub, na talaga namang nagte-trending sa social media. Iyong isa namang grupo ay nagsabing ang isa sa nagdadala sa show ay iyong That’s My Bae, dahil ang papogian contest na iyon ay talagang matindi rin sa social media, dahil nag-recruit sila ng mga pogi sa social media talaga, at ang nakukuha nila iyong mga may followers na.
Pero ang sikreto niyan ay ang utak ng kanilang mga program planners. Binigyan na nila ng alalay si Wally Bayola eh, dalawa pa. Noong hindi mag-click iyon masyado, pinalitan nila pati ang character ni Wally at kinuha nga nila si Maine Mendoza bilang yaya ni lola. Sinakyan nila ang popularidad ng dubmash. Hindi nagsasalita ang yaya, dubmash lang. Tapos kinilig si yaya nang makita si Alden na lalong nag-click sa televiewers. Humahaba ngayon ang parteng iyon nina Yaya Dub at Alden. Click eh.