Toni natutunang ‘humugot’ kay Coco!

MANILA, Philippines – Ikinukumpara ni Coco Martin ang sarili sa komedyanteng si Babalu matapos ang kabalustagang eksena sa movie nila ni Toni Gonzaga na You’re My Boss. Ayaw niyang tawagin na romantic-comedy ang movie dahil sa saya ng nangyayari sa kanila ni set.

“Sabi ko nga, after this, parang si Babalu na ako! Ha! Ha! Ha! First time ko…Ang sarap-sarap ng pakiramdam dahil nakagawa ako ng ganitong pelikula. Kumbaga, nabigyan ako ng ganitong proyekto ng Star Cinema. Kahit sobrang kulang ang tulog, sobrang sarap ng pakiramdam. Wala po pagsisisi dahil alam naming maganda ang proyektong ginagawa namin,” pahayag ni Coco sa presscon ng movie.

Ang isa pang ikinatutuwa ni Coco sa pakikipagpareha kay Toni ay ang pagtuturo sa kanya ng aktres ng English.

“Hindi kasi ako masyadong sanay sa English. Hindi ko siya mamemorya. Sabi ko nga, ngayon lang yata ako magkakaroon ng eksenang maraming English, huh. Si Toni, kinu-coach niya ako.

“Habang umaarte ako, binubulong niya sa akin! Ha! Ha! Ha!” saad pa ng aktor.

“Binubulong ko sa kanya,” sabad naman ni Toni.

“Tapos, ie-echo ko na lang! Ha! Ha! Ha!” sey naman ng aktor.

“Nag-cut nga kami kahapon kasi nakita ‘yung bibig ko, gumagalaw. Sabi ni Direk, ‘Hoy, nagku-coaching ka!” chika ng host-actres.

Ang natutunan naman ni Toni kay Coco ay ang hugot.

“Sa totoong buhay kasi, masayahin akong tao. Hirap ako nu’ng humuhugot. Kasi wala naman akong hinuhugutan. Pinalaki kasi kami nina Mommy at Daddy na hindi nagsi-self pity. Kapag may masamang nangyari sa ‘yon, move on, move on.. Hindi nagli-linger sa pain.

“Eh sa pag-aartista, sa pagiging dramatic actress. Dapat pala ninu-nurture mo ‘yon. Kasi doon ka humuhugot ng mga…Bubog! So hirap na hirap ako.

“Pinalaki kami na huwag umiyak ‘pag pinapalo kami. ‘Pag umiyak, lalo kaming papaluin. Paano ba ito?

“Doon ko nakita ‘yon kay Coco. ‘Pag tiningnan mo pa lang siya sa mata, may karga na siya. Doon, nakakatulong kami. Actually, ‘yung eksena naman, ‘yon ang nari-reciprocate mo. So talagang it’s a team, it’s a collaboration,” paliwanag ni Toni.

After ng movie nila ni Coco, tututok na si Toni sa pagiging Mrs. Paul Soriano. Although wala pa siyang detalye inilalabas tungkol dito, ang balita namin ay sa Taytay ang kasal nila sa Hunyo.

Show comments