Naging malapit kaming magkaibigan ni Amalia Fuentes na nakilala namin through the late Oscar Miranda. Madalas akong dumalaw sa kanilang bahay sa New Manila at ang aming kuwentuhan ay inaabot na ng gabi.
Bukas na aklat sa akin ang pag-iibigan nina Liezl at Albert dahil naikuwento ito ni Amalia. Lahat ay ipinangako niya kay Liezl para huwag munang mag-asawa gaya nang pagbibigay sa kanya ng luho at pagtu-tour sa buong mundo. Lahat nang ito ay tinalikuran ni Liezl alang-alang sa pagmamahal niya kay Albert. Pinili niyang magtiis ng hirap sa piling ng asawa para lang ipakita kung paano niya ipaglaban ang kanilang pag-iibigan.
Naging happy ending naman ito dahil nagtagumpay ang mag-asawa na maging masaya at gawing stable ang pamumuhay. Sinuwerte pa si Albert sa career, ilang ulit itong naka-award. Nakapag-aral at nakapagtapos din ang kanilang tatlong anak.
Ang buhay pag-ibig nina Albert at Liezl ay puwedeng isalin sa pelikula kung saan ipakikita na walang imposible harangin man ng sibat ang pagmamahalan ng dalawang tao. Sinubok ng paghihirap at pagtitiis ang kanilang pagmamahalan mapatunayan lang kung gaano ito kadakila.
May isa pang kuwento si Amalia tungkol sa kabaitan ng kanyang anak, sapul pa sa pagkabata.
One time raw ay ipinasundo niya ito sa kanilang lumang sasakyan na may tatak na AM Productions. Tinatanong ni Liezl kung nasaan ang magarang kotseng sumusundo sa kanya. Sumakay na lang siya habang nakatingin ang ilang kamag-aral.
Nang umuwi ng bahay, tinanong niya ang ina kung bakit ‘yun ang ipinansundo sa kanya. Sagot naman ni Amalia, gusto niyang ipadama rito ang hirap ng pagiging prodyuser. Gusto rin niyang ipaalam dito na lahat nang pinaghirapan niya ay galing sa pagpoprodyus.
Walang nagawa si Liezl kundi mapaluha sa tinuran ng ina. Ayon kay Amalia napakabuting tao ni Liezl, very humble at laging nakatungtong sa lupa.
Paalam Liezl at sana’y matamo mo ang kaligayahan at katahimikan dun sa kabilang buhay!