Lumaki na nga yata ang ulo ng male singer na ito dahil kapag nagpepresyo ng kanyang talent fee (TF) ay nakakalula. Umaatikabong P150-K per song ang singil niya. Dalawang kanta ang aawitin nito sa isang kapistahan at ang hinihinging presyo ay P300,000.
Katuwiran ng mga nag-imbita ay hindi pa naman siya sikat na sikat kahit mayroon siyang Sunday show.
Kahit ano’ng gawin nilang tawad ay hindi sila pinagbigyan ng singer. Ang ending nawalan tuloy siya ng raket.
Kapag ganito nang ganito ang singil niya ay matutuluyan na siyang mawalan ng raket.
Alden busy na raw sa buong taon
Wala na yatang makuhang artista sa GMA-7 dahil puro busy na ang lahat. Gustung-gusto pa naman ng isang producer kunin si Alden Richards, kaso puno na ang kalendaryo nito ngayong taon.
May nag-suggest na komo love story naman ang tema ng kuwento ay bakit hindi na lang sina Aljur Abrenica at Kylie Padilla ang gawing mga bida.
Kinunsider din si Bea Binene kaso bata pa ito para sa karakter na gagampanan.
Abangan na lang natin kung sino ang kukunin sa proyektong ito na isang love story at intended sa susunod na Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ahas na pinsan sa Love Hotline
Pag-uusapan ngayong Biyernes sa Love Hotline kung dapat bang hiwalayan ang ka-live-in na pumatol sa iyong pinsan?
Kinupkop ni Jane ang pinsan niyang si Regina at pinatira sa kanyang bahay kasama ang mga anak at live-in partner na si Jeff.
Dahil sa close sila sa isa’t isa, si Regina ang nakakausap ni Jane pagdating sa problema niya kay Jeff. Pakiramdam ni Jane ay may kinalolokohang babae si Jeff at tama ang sapantaha niya na ang pinsan niyang si Regina pala ang karelasyon ng ka-live-in.
Pagkatapos ng aminan, sino kaya ang magsasama at sino ang maiiwang mag-isa? Samahan si Jean Garcia at si Papa Dudut ng LS 97.1 FM para ayusin ang problema ngayong Biyernes ng hapon sa Love Hotline.