Nagpang-abot bilang presenter sina Alessandra de Rossi at Sid Lucero sa katatapos na Star Awards for Movies ng Philippine Movie Press Club (PMPC) last Sunday sa The Theater ng Solaire Resorts and Casino.
Sa backstage, unang pumasok si Sid at tahimik lang sa isang sulok na pinag-aaralan ang kanyang spiel bilang pagbibigay pugay sa mga namayapa nang artista, director, producer, at ibang pang personalities na naging bahagi ng movie industry. At siyempre kasama sa huling sulyap ng pagpugay ang Daddy ni Sid na si Mark Gil kaya dama ang kurot sa mukha ng aktor nang ipinakikita ang picture ng amang mahusay at namayapang aktor.
Sa pagpasok naman ni Alex (palayaw ni Alessandra) sa backstage, nilapitan agad nito si JayR na naghihintay din para sa kanyang production kasama si Kyla.
Samantalang tiningnan lang niya si Sid na nakatalikod sa kanya, pero hindi man lang nilapitan o kinalabit ang aktor sabay upo sa chair na ibinigay sa kanya. Ilang saglit lang ay nilapitan na ni Sid si Alex at nagbeso ang dalawa, pero halata mong may awkward moment ang magdyowa dahil sumisenyas ang aktres na okey lang siya at bumalik na sa isang sulok si Sid.
Nagpa-interview naman si Alex at nang tanungin kung kumusta na ang kanyang puso at sumagot itong “dead” sabay kunwari ay papasok na siya sa stage at ayaw nang i-elaborate ang kanyang sinabi.
Ang tagal nina Alex at Sid sa backstage pero hindi sila nakitang nagtabi o nag-usap ng matagal. Hindi katulad ng ibang lovers sa backstage tulad ni Beauty Gonzales with matching yakap at holding hands pa sa kanyang non-showbiz dyowa.
Pero in fairness kay Sid, hindi siya agad umalis sa backstage kahit tapos na siyang mag-present at pinanood pa si Alex sa TV monitor ng venue. Hindi ko naman nakitang sabay silang bumalik sa upuan dahil nagkagulo na ang mga tao sa backstage nang pumasok ang top 4 ng The Voice of the Philippines Season 2.
Samantala, happy si Alex kung totoo ang plano ni Direk Paul Soriano na isasabay ang showing ng Kid Kulafu sa laban ni Manny Pacquiao kay Floyd Mayweather, Jr. sa May 2.
Si Alex ang gumanap na Mommy Dionisia sa movie, pero hindi raw siya nag-audition bilang nanay ni Manny. Siguro raw ‘yung color niya ang isa sa kinonsider kung bakit siya ang kinuha para sa role ni Mommy Dionisia.
Hindi nakita o nakausap ni Alex si Mommy D nung time na ginawa nila ang movie ni Manny. Pero nanood daw siya ng DVD at pinag-aralan ang character ni Mommy D. Nilaro at pinagtripan lang daw niya ang role bilang nanay ng Pambansang Kamao sa Kid Kulafu. Nagkataon na Bisaya ang kasama ni Alex sa bahay na madalas niyang i-correct ang accent, kaya madali ring natutunan ng aktres kung paano magsalita si Mommy D.