Malakas pa rin ang karisma ni JM de Guzman dahil nang dumalo ito sa launching ng Sinag Maynila ay pinagkaguluhan pa rin siya at marami ang gustong magpakuha ng picture sa kanya.
Maayos na ang hitsura ng aktor. Guwapo pa rin kaya may nagtanong kung hindi na ba siya babalik sa masamang bisyo.
‘‘Hindi na po, magbabago na ako at muling magko-concentrate sa aking career,’’ aniya.
Kasama si JM sa indie movie na Imbisibol na entry ni Lawrence Fajardo sa Sinag Maynila.
Speaking of Fajardo nakapagdirek na ito ng mga pelikulang gaya ng Raket ni Nanay, Amok, Poses at The Strangers. Nakapag-edit na rin siya ng dalawang dosenang pelikula.
Odette nagtagal sa showbiz dahil sa ‘katarayan’
Nakausap namin si Odette Khan na matagal na naming kaibigan dahil isa siya sa pinakamabait na artistang nakilala namin kahit ang mga karakter na ginagampanan niya ay puro matataray at salbahe.
Kasama siya sa isang entry ng Sinag Maynila kung saan isa siyang mataray na principal. Aktibo pa rin si Odette sa pelikula at telebisyon magpahanggang sa ngayon.
Sa pakikipagkuwentuhan sa kanya, sinasabi nito na may iba siyang nakasamaang loob sa mga kasamahang artista noon pero kinalimutan na niya ito. Dating nakatira sa isang mataas na building ang magaling na aktres pero ngayon ay nakatira ito sa isang bungalow na may munting taniman sa likuran ng bakuran. Mahal niya ang showbiz at habang kaya pa ng katawan ay hindi siya titigil sa pag-aartista.
Natutuwa si Odette sa pamamayagpag ng indie film at nagpapasalamat sa pagkakatatag ng Sinag Maynila nina Wilson Tieng at Brilliante Mendoza. Sa ganitong paraan, pawang mga de-kalidad na pelikula ang gagawin ng indie makers na puwedeng ipagmalaki sa ibang bansa at isali sa mga international competition.