Talaga yatang hindi na matatapos ang controversy sa buhay ng mga Barretto. Ngayong natatahimik na si Claudine at hindi na masyadong napag-uusapan ang kanyang mga kaso, sina Gretchen at Marjorie naman ang nag-aaway dahil lamang sa isang comment. Napuri ni Gretchen ang isang baguhan at nagalit si Marjorie dahil bakit daw sasabihin noon na mas maganda ang baguhan kaysa sa kanyang anak?
Kami naman ay hindi sa kani-kanino, pero palagay namin wala namang masama sa sinabi ni Gretchen. Napuri lamang niya ang ibang artista, siguro may nakita siyang ibang katangian noon. Hindi naman masasabing paninira na iyon sa anak ni Marjorie. Hindi namin malaman kung bakit nagputok agad ang butse ni Marjorie dahil lamang sa comment na iyon.
Palagay namin, dapat kung minsan ay mag-preno rin naman si Marjorie. Actually, marami na rin lumalabas na mga usapan tungkol sa kanyang katarayan, at may nagsasabi na ngang “akala ba niya sikat na talaga ang anak niya”. Kung pakikinggan mo ang mga comments, nadadamay na tuloy ang bata.
Naiintindihan namin, natural lang na ilaban ni Marjorie ang kanyang anak, dahil sa tingin niya ay may pag-asa iyong maging isang malaking star. Sabihin na nating iyan siguro ang naging kakulangan ni Marjorie. Sa magkakapatid, siya lamang ang hindi talagang umangat at nanatili sa mga supporting roles, kundi man sa comedy at mga low budget films noong araw. Aminin natin na may panahong naging sikat talaga si Gretchen. Ganoon din naman ang nangyari kay Claudine na sunud-sunod ang mga teleserye noon. Talagang si Marjorie lang ang hindi nakaabot sa ganoong kasikatan, kaya naman siguro talagang pinagsisikapan niyang maabot ng kanyang anak sa ngayon kung ano man ang hindi niya naabot noon. Pero sana hinay-hinay lang dahil kung minsan iyang mga ganyang controversy ay hindi nakakatulong kundi nakasisira pa.
Bukod sa Fallen 44, Neil Perez pinabango na naman ang pangalan ng sangkapulisan!
Mukhang gumaganda ngayon ang image ng mga pulis. Una, kung ano man ang mga negatibong pagkakilala ng bayan sa mga pulis, natakpang lahat iyon dahil sa ipinakitang kabayanihan ng 44 na pulis ng SAF na pinaslang sa Mamasapano, kahit na nga sinasabing nangyari iyon dahil sa pagkukulang na rin ng kanilang kapwa pulis.
Ngayon naman isang pulis din ang nagbigay ng karangalan sa Pilipinas nang manalo siyang Mr. International sa isang pageant na ginanap sa Korea, si Mariano Flormata, Jr. na mas kilala bilang Neil Perez. Marami naman ang naniniwala noon pa man na malakas ang kanyang laban sa nasabing contest. Sinubaybayan iyon ng mga Pilipino, pati na ang kanyang isinuot sa national costume competition. Tapos kalat na kalat nga agad sa Internet ang kanyang pagkakapanalo.
Sayang kasi iyang mga contest para sa mga lalaki, hindi nailalabas iyan sa telebisyon dito sa atin. Ang paniwala kasi nila, kaunti lamang ang following ng mga contest na ganyan. Isa pa kasi, iyong iba namang mga local male pageants, nakakapagduda rin naman ang integridad. Pero kung ganyang nananalo na tayo sa mga ganyang contests, palagay namin marami na ang susunod diyan, kaya mas magiging interesado na ang marami.
Maganda iyang nangyaring iyan kay Flormata, nakadagdag na naman iyan ng karangalan sa pambansang pulisya. Sana lang talagang magpakatino na ang ibang mga pulis na sangkot pa rin sa mga kalokohan.