Excited na si Direk Louie Ignacio na pumunta sa London para sa world premiere ng kanyang first indie film na Asintado (Between the Eyes) na entry sa gaganaping International Filmmaker Festival of World Cinema mula Feb. 22 hanggang Feb. 27. Bongga si Direk Louie dahil kasali rin ang nabanggit na pelikula sa Queens World Film Festival ng New York sa March 17-22. Pati sa Egypt ay kasali rin sa competition ang Asintado - Cairo International Cinema na magaganap sa March 20 to March 27.
Sayang at hindi kasama sina Jake Vargas at Aiko Melendez, tanging ang producer ng movie na si Ferdinand Lapuz lang ang kasama ni Direk Louie na rarampa at tutuhuging puntahan ang London, NY, at Cairo na siyempre ibang level na dahil sa international filmfests na sila aariba.
Hindi nakakapagtaka na lalo pang na-inspire na gumawa ng indie film si Direk Louie. Kaya ganado si Direk Louie habang ginagawa niya ang bagong indie movie na Child Haus, na base sa foundation na tinutulungan ni Mother Ricky Reyes. Lalo pang ginaganahan si Direk Louie dahil ang Child Haus ang nagsisilbing advocacy na rin niya para sa mga kabataang may sakit na cancer. Iba raw talaga ang energy habang gumagawa siya ng indie film na bukod sa artistic freedom na ibinibigay sa kanya ay magkakaroon pa siya ng chance na maipakita sa buong mundo ang kalagayan at pinagdaraanan ng mga cancer patient, hindi lang ng mga batang may sakit, kundi pati na rin ang hinagpis ng kani-kanilang pamilya sa paglaban sa sakit na kanser. Saludo rin si Direk Louie kina Ina Feleo, Katrina Halili, at iba na kasama sa pelikulang Child Haus.
Samantala nag-iimbita si Direk Louie na silipin ang kanyang painting exhibit sa SM Megamall 4th level Gallery Anna. Bale ba ang exhibit na ito ni Direk ng kanyang mga obra ay makikita hanggang Feb. 17 sa nasabing mall.