Pangalan ni AiAi sinira ng concert producer

Overacting ang professionalism ko kahapon dahil 1:00 p.m. ang imbitasyon sa presscon ni AiAi Delas Alas pero 11:00 a.m. pa lang, nasa venue na ako.

Nagsalita si AiAi tungkol sa cancellation ng kanyang concert na Ai Heart Papa na naka-schedule kagabi sa The Theater ng Solaire Resort & Casino.

Mabigat man sa kanyang dibdib, napilitan si AiAi na huwag nang ituloy ang concert dahil hindi binayaran ng concert producer na si Jacob Fernandez ang venue at ang lahat ng mga involved sa show.

Nag-sorry si Jacob kay AiAi sa pama­ma­gitan ng isang text message pero hindi ito sapat dahil matinding kahihiyan ang ibinigay niya sa Concert Comedy Queen.

Kahit mag-issue si Jacob ng public apology, balewala pa rin ito dahil sinira niya ang pangalan ni AiAi. Mabuti na lang, hindi naniniwala ang publiko sa mga pralala ni Jacob na wanted ng mga tao na nagke-claim na nilinlang niya.

AiAi nagbigay babala sa mga kasinungalingan ni Jacob Fernandez

Pinigil ni AiAi ang kanyang luha habang isa-isang ikinukuwento ang mga kapalpakan ni Jacob.

Hindi makapaniwala si AiAi na may mga tao na katulad ni Jacob na tinutulungan na nga niya na makabalik sa concert scene pero nagawa pa siya na lokohin.

Never nang makikipag-deal si AiAi kay Jacob. Binibigyan niya ng babala ang lahat na huwag magtiwala at makipag-business kay Jacob na parang sanay na sanay na sa kanyang mga ginagawa.

Comedy Concert Queen may pa-free concert

Kasama ni AiAi sa presscon kahapon ang kanyang anak na si Sophia aka Budang.

Dalagang-dalaga na si Sophia na special guest sana sa pre-Valen­tine concert ni AiAi.

Nabalewala ang mga dance rehearsal ni Sophia dahil sa kapalpakan ni Jacob.

May plano si AiAi na mag-produce ng concert sa May 16 para sa kanyang fans. Free admission ang concert para sa fans na nadismaya dahil nakansela ang Ai Heart Papa.

Kung walang klase si Sophia, pauuwiin siya ni AiAi sa Pilipinas para mag-guest sa free concert.

Hindi pa matiyak ni Sophia ang kanyang participation dahil may klase siya. First year college ang bagets sa isang university sa California.

Dahil sa iskandalo, dating manager ni Paolo mukhang mahihirapan nang makabangon uli

Ipinapasa-Diyos ni AiAi ang ginawa ni Jacob pero nagsalita siya para hindi na magkaroon ng mga bagong biktima ang concert producer na dating manager ni Paolo Bediones.

Si Jacob ang big boss noon ng JLF Organization at mabangung-mabango ang kanyang name dahil mga sikat na singer ang ipinagpo-produce niya ng concert.

Siya rin ang produ ng isang bonggang fashion show para kay Inno Sotto na ginanap sa isang five-star hotel.

Maganda ang reputasyon noon ni Jacob kaya marami ang nagtataka dahil nasasangkot siya nga­yon sa mga kontrobersyal na isyu na may involved na datung.

Baka mahirapan na si Jacob na makabangon o makabalik sa entertainment scene dahil tainted na ang kanyang reputasyon.

AiAi gustong matigil na ang panloloko ni Jacob, abugado kinakausap na

Makikipag-meeting si AiAi sa kanyang legal counsel para sa aksyon na gagawin niya laban kay Jacob.

Maraming binabalak si AiAi para mabigyan ng katarungan ang kabalahuraan na nangyari sa kanya.

Hindi natin masisisi si AiAi. At her age, ngayon pa siya nakaranas na lokohin ng isang concert producer. Kikilos na si AiAi para wala nang mabiktima si Jacob.

Show comments