Worried ang anak ni Jimmy Santos na si Jerome Santos sa magiging reaksyon ng kanyang tatay sa pagsali niya sa Mr. Republic model search. Hindi kasi alam ng tatay nito na sumali siya sa nasabing contest, pero ang mas inaalala nito ay ang maapektuhan ang image ng komedyanteng ama. Bale ba, anak sa labas si Jerome na ang siste ay hindi raw alam ng original family ng TV host-comedian ng Eat Bulaga sa GMA-7.
Hindi rin alam ni Jimmy na kasali ang anak sa More Than Words na pinagbibidahan nina Janine Gutierrez at Elmo Magalona kahit pa bilang ekstra lang.
Tanggap naman ni Jerome na second family lang sila ng kanyang amang komedyante. Mula raw kasi noong grade VI siya ay iniwanan na silang magkapatid. Isang lalaki rin ang kanyang kapatid. At nirespeto nilang mag-utol ang desisyon ng ama na priority ang kanyang naunang pamilya. Pero nakakausap pa rin nila si Jimmy isang beses sa isang buwan mula noong bata pa sila. Sinusustentuhan naman daw silang magkapatid. Ngayong naglantad na siya bilang anak ni Jimmy, ang nanay daw niya ang nagwo-worry para sa kanya.
Mahiyain pa si Jerome, may lumapit lang daw sa kanyang talent scout at inalok siyang sumali sa Mr. Republic. Sa edad na 21 years old ay 6-footer na ang anak ni Jimmy Boy. Undergrad siya sa kursong Hotel and Restaurant Services sa STI. Working naman si Jerome sa isang online site at natutunan niyang i-manage ang kanyang time habang kasali sa Mr. Republic.
Ang kapatid niyang bunso na si Jeremy Arvin (18 years old na may taas na 5’10 ft), ang nagmana raw sa hilig ng tatay nilang mag-basketball. Samantalang siya naman ay nalinya sa paglalaro ng table tennis. Hilig sana niya ang kotse pero dahil sa wala pa raw siyang pambili ay nakukunteto muna siyang magsikap at maging masayahin kung ano lang muna ang mayroon sila. Wish niyang masungkit ang title para maiahon niya ang kanyang nanay at kapatid sa kahirapan.
Wish ni Jerome na maging proud sa kanya ang tatay niyang si Jimmy. Kaya naka-focus siya sa kanyang training dahil mahigpit daw ang labanan. Mayroon kasi siyang kapwa contestants na galing pang London, Milan at ilang professionals tulad ng engineer.
Pinaglalabanan ng mga contestant ang tatlong titles na Mr. Worldwide, kung saan isasabak sa Sept. 6 sa Orlando Florida ang mananalo, Mr. Model of the World na ipadadala naman sa Long Ranch, California USA sa July 8, at Run Away Model World.
Ang naturang pageant ay nasa pangunguna ng grupong AA Cutor Timeless International na gaganapin sa March 6 sa Manila Hotel.