Tama na naman ang sinabi ni Atty. Mel Sta. Maria, sa kaso ng rape, ang biktima ay may dalawampung taon para magharap ng sakdal laban sa nang rape sa kanya, kasi nga naisip ng mga gumawa ng batas na may mga babaing hindi makapagdesisyon agad dahil nahihiya sa nangyari sa kanila. Nasabi niya iyan matapos na marinig ang sinabi ni Kat Alano, na siya man ay biktima ng rape sampung taon na ngayon ang nakararaan. Sana maging subject iyan at maging guest si Kat Alano sa Solved na Solved sa TV5.
Ito kasing si Kat Alano, nag-post pa ng open letter kay Justice Secretary Leila de Lima sa kanyang social networking account na humihiling sa secretary of justice na patinuin naman ang justice system sa ating bansa. Huwag na rin daw iyong magpahayag na nagulat nang may isang batang na-rape sa loob mismo ng New Bilibid Prisons, dahil sabi niya, “pinakawalan mo nga iyong rapist ng mga babae, kabilang na ako.” Pero hanggang ngayon ay ayaw pangalanan ni Kat kung sino ang rapist niya.
Palagay nga namin, dapat na makausap ni Kat Alano si Atty. Mel Sta.Maria, para mabigyan siya ng tamang legal advice. Hindi lang basta abogado si Atty. Mel, professor iyan sa Ateneo, at ngayon ay dean ng FEU Law School.
Maraming magaganda at practical na payong legal ang ibinibigay niya. Panoorin na lang ninyo ang Solved na Solved para malaman ninyo araw-araw.
Marunong daw kasing makisama, Michaella puring-puri ng parents ni James
Maging ang mga magulang pala ni James Yap ay puring-puri ang ngayon ay girlfriend niyang si Michaella Cazzola. Sinasabi nilang napakahusay na makisama ng Italyana kahit na siya ay isang dayuhan, at marunong makibagay sa kanila kahit na sila ay nagsimulang mahirap lamang.
Wala naman siguro silang ibig sabihin kaya nababanggit nila iyon. Siguro nasasabi lang nila talaga ang kanilang obserbasyon.
Palagay nga namin kung talagang pakakasalan na ni James Yap si Michaella, na hindi naman malayong mangyari dahil tatlong taon na ang kanilang relasyon, tiyak na mas mapapalapit ang kanilang mga anak sa mga magulang ni James.