Tawa kami nang tawa sa mga nakikita naming comments sa pagkatalo ng ating Miss Universe candidate na si MJ Lastimosa noong isang araw. Wala namang sinasabi si MJ, pero ang sinisisi ng lahat ay ang mga gown na ginamit niya sa competition.
Lumalabas ngayon na ilang taon na palang ipinagagawa ng Binibining Pilipinas organizer sa pangunguna ni Stella Marquez Araneta ang mga damit ng ating mga kandidata sa kanyang kababayang Columbian na si Alfredo Barraza. May mga nagsabi pang kahit tumututol ang mga candidates na ang gustong gamitin ay gawa ng mga Pinoy designers, nasusunod ang kagustuhan ni Araneta, dahil siya ang head ng organization na may hawak sa Binibining Pilipinas.
Nagsimula lang naman ang mga kuwentuhan dahil sa national costume ni MJ na sinasabi nga ng mga Pinoy na kulay sapin-sapin. Iyong isa pang gown niyang ginamit, na sinasabing ayaw niya sanang isuot kung hindi siya kinagalitan ni Araneta ay inihalintulad naman nila sa badminton ball.
Mas natawa pa nga kami doon sa mga tawanan nila nang sinasabing nadapa ang Binibining Pilipinas organizer na si Stella Marquez Araneta noong lumabas siya pagkatapos ng pageant, at kumpleto pa sila ng post pati pictures ng pagkakadapa nito. Iyan naman sa palagay namin ay wala na sa ayos lalo na nga’t kung iisipin mo na may edad na si Araneta at isa siyang diplomat. Siya ang charge d’affairs ng Honorary Consulate ng Republic of Colombia sa Pilipinas.
Iyan naman ang isang lehitimong tanong na maaari nating gawin, bakit ang isang foreign national at diplomat pa ng kanyang bansa sa Pilipinas ang siyang mamimili ng mga ipadadala nating kandidata sa ilang international beauty pageant. Papaano nga kung may ganyang questions at nagkataong ang nanalo pa ay si Miss Colombia?
Gov. Vi gusto na talagang pabalikin sa showbiz?!
Nakatanggap kami ng isang text message mula kay Governor Vilma Santos-Recto na nagbabalita sa amin na magpupunta nga siya sa showing ng kanyang mga restored movie sa UP at doon sa pagbibigay sa kanya ng isa pang award ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) sa old senate building. Ibibigay daw niya sa amin ang lahat ng mga detalye later, dahil nang maalala niyang mag-text ay may trabaho rin siyang ginagawa sa kapitolyo ng Batangas.
Isang bagay ang pupunahin namin diyan. Bakit inire-restore ang kanyang mga lumang pelikula para magawang high definition videos? Bakit binibigyan na naman siya ng award ng NCCA ngayon dahil sa kanyang kahusayan bilang isang aktres? Ang mga bagay na iyan ay palatandaan na ang mga tao ay umaasang babalikan niya ang kanyang pagiging artista matapos ang 18 taon niyang paglilingkod sa gobyerno.