MANILA, Philippines - Winakasan ng Kapamilya na si John Lloyd Cruz ang bulung-bulungan na lilipat na siya sa ibang TV network matapos siyang pumirma ng three-year contract sa ABS-CBN nitong Huwebes (Jan 22).
Bukod sa sitcom niyang Home Sweetie Home, inilahad din ni John Lloyd na may iba pa siyang proyekto na gagawin sa TV, maging sa pelikula.
“Ang daming exciting na proyektong nasa paligid ko, nakaka-excite,” pahayag ng aktor.
Bagama’t hindi lubusang binigay ni John Lloyd ang mga detalye tungkol sa nakapila niyang mga proyekto, naibahagi naman nito na makakasama niya mula sa tig-isang pelikula ang mga dating naging katambal nito na sina Sarah Geronimo at Bea Alonzo. Naipahayag din ng aktor na nais din sana niyang muling makasama sa isang pelikula si Toni Gonzaga.
Dumalo sa pirmahan ng kontrata ang presidente at CEO ng ABS-CBN na si Charo Santos-Concio, broadcast head na si Cory Vidanes, Star Creatives head na si Malou Santos, Star Magic consultant na si Johny Manahan, at talent management & development center managing director na si Mariole Alberto.