Talagang hindi pa rin natatapos ang Pope fever dito sa Pilipinas, at talagang ang lakas ng tawa namin nang patulan pa ng singer na si Mystica iyong paghahamon ng bakbakan ni Marlene Aguilar na hindi naman dapat patulan.
Noong panahon ng papal visit, panay ang post ng kapatid ni Freddie Aguilar na si Marlene laban sa mga Katoliko at sa Santo Papa. Tinawag pa niya itong kampon ng dilim. Mukhang kulang pa iyon sa kanya, naglagay pa pala siya ng isa pang post na naghahamon sa mga Katoliko sa isang mixed martial arts fight sa Elorde Gym sa Katipunan. Actually iyong mga sinasabi ni Aguilar ay hindi pinatulan ng legitimate media. Pero iyong hamon niya, pinatulan ni Mystica.
Hinamon ni Mystica si Aguilar sa isang bakbakan hindi sa gym kundi sa kalye. Sinabi pa ni Mystica na hindi dapat magyabang si Aguilar dahil siya man ay isang judo expert at kaya niyang itumba iyon. Pero hindi siya nilabanan ni Aguilar at sa isang post ni Mystica, sinabi niyang hindi sumagot si Aguilar sa kanyang hamon at ibinlock pa siya sa Facebook para hindi siya makapag-comment.
Hindi naman sa pinapatulan pa namin ang non-issue na iyan, kaya lang talagang natawa kami. Isipin ninyong may pumatol pa kay Marlene Aguilar sa mga pinagsasabi niyang iyon? Kahit naman sino ang tanungin ninyo, wala sa ayos ang kanyang mga comment at dapat sana huwag nang patulan, pero nakatagpo siya ng katapat - si Mystica.
May mga nagsasabi ngayon, kung matutuloy daw ang bakbakan ng dalawa, doon man sa Elorde Gym o kahit na saang kanto riyan, mas exciting daw panoorin iyon kaysa sa magiging laban ng Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr.
Hindi ba nakakatawa? Poging seminarista mas pinag-usapan kaysa kay Erik!
Mayroon pang isa. May nagtatanong sa amin kung bakit daw ang singer na si Erik Santos ang siya pang pinakanta ng responsorial psalm sa misa ng Santo Papa sa Luneta, ganoong sinasabi noon na hindi naman siya Katoliko kundi “Born Again Christian”. Pero ano nga ba ang problema roon?
Ang nakakagulat lang, mas nag-trending pa sa social media iyong seminaristang si Kenneth Rey Parsad, na seminarista ng UST na siyang kumanta ng responsorial psalm sa misa ng Santo Papa sa Manila Cathedral kaysa kay Erik Santos. Wala kang mababasa sa Internet kundi napakagaling daw kumanta ng semenarista at pogi pa. Mabilis din ang research ng mga netizens, may mga nakapaglabas agad ng mga pictures ng seminarista na kung saan-saan nila nakuha.
Biglang may gumawa agad ng fan page niya, at mga news agencies na nag-interview sa kanya. Napanood pa namin siya sa Unang Hirit kung saan pinakanta pa siya. Kung hindi lang magpa-pari iyan, tiyak na may mag-aalok ng pelikula diyan kay Kenneth Rey Parsad.
Female star kailangang magsikap para sa ka-love team
Naaawa naman kami sa isang female star dahil diretsahan namang sinasabi ng kanyang ka-love team na walang gusto iyon sa kanya. Kaya lang, mukhang siya ang kailangang magpilit dahil mas sikat kaysa sa kanya ang kanyang leading man at kailangan niyang humawak sa popularidad noon.
Pero sa ngayon, hindi na tanga ang mga fans eh. Alam naman nila na hindi totoo ang love team. Bakit hindi na lang siya magsikap na sumikat on her own?