Walang naging pagbabago sa kalagayan ng mga pelikula sa Metro Manila Film Festival (MMFF) hanggang sa matapos ang sampung araw nito, maliban nga sa katotohanan na matapos manalo ng maraming awards, umakyat sa number 4 slot sa box-office results ang pelikula nina Derek Ramsay at Jennylyn Mercado. Kasi, tapos na nga iyong pagkakagulo ng fans, nagsimula nang manood ng sine iyong mga taong gustong makapanood talaga ng mahuhusay na pelikula. Natural dahil nanalo ng awards at mas magandang ‘di hamak ang mga reviews kaysa sa ibang pelikulang kasali, marami ang nanood sa kanila.
Hindi na nga siguro nila malalampasan ang top 3, dahil iyon ay mga commercial movie na talagang pinanonood ng masa. Iyong pelikula naman nila ay masasabing ang talagang target ay iyong tinatawag na “intelligent audience.” Isa pa, hindi sila suportado ng anumang TV network, kaya masasabing kulang nga rin ang kanilang advertising campaign. Mukhang hindi rin naman sila nag-ubos talaga ng malaking advertising budget, pero kumita ang pelikula at tinalo pa iyong ibang todo ang promo.
Ganyan naman lagi ang festival eh, o anumang pelikulang Pilipino. Sa mga unang araw, ang audience ay nanonood dahil lamang sa promo. Hindi pa kasi nila alam kung ano ang hitsura ng pelikula. Makalipas ang ilang araw at napag-uusapan na ang content ng pelikula, doon naman nagsisimulang sumipa ang mga pelikulang mahusay ang kalidad.
Nakakatuwa naman na ang mga mahuhusay na pelikula ay kumikita. Nakakatuwa at siguro nga mae-encourage ang iba na gumawa pa ng matitinong pelikula na kikita naman pala. Si Derek ay nakagawa na ng maraming hits. Si Jennylyn, siguro iyan ang pinakamalaki niyang hit movie, at nanalo pa siyang best actress.
Kami man pinanood namin ang pelikulang ‘yan, at sinasabi namin na sa lahat ng mga pelikulang napanood namin sa festival, at sasabihin na namin ngayon dahil matatapos na iyon, ang pelikula nina Derek at Jennylyn ang aming nagustuhan. Ayaw naming sabihin iyan sa simula, dahil baka masabi pa na nag-eendorso lang kami ng pelikula. Pero ngayong patapos na, aminado akong ‘yan ang pinakamaganda para sa akin.
Magagarbong selebrasyon hindi na dapat pag-usapan
Maaaring may magsabing taga-showbusiness, ano ang pakialam mo kung may gumastos man ng dalawang milyong piso sa isang wedding gown at pitong milyong piso sa isang wedding cake? Pera naman nila ang ginastos nila. Hindi sila nanghingi kaninuman. Personal nila iyon, and at least napag-usapan sila hanggang sa abroad.
Totoo, walang pakialam sa anumang gustong gawin ng isang tao sa buhay niya. Pero iyong malantad pa sa publiko ang mga bagay na iyon, malaki ang epekto noon sa marami. Habang sa Pilipinas ay nababalita ang mga kalamidad, ang 54 na namatay na naman dahil sa bagyong Ruby, ang mga hindi pa makabangong biktima ng bagyong Yolanda na naipanghingi pa natin ng tulong sa ibang bansa, habang sinasabing 30 porsiyento ng mga Pilipino ang hindi na kumakain ng tatlong beses maghapon, mayroon palang mga taong maaaring gumastos ng dalawang milyon sa isang damit at pitong milyon sa isang cake.
Hindi naman sa nakikialam, pero ang taong 2015 ay idineklara ng simbahang Katoliko na Year ot the Poor. Ok lang siguro na may gumastos nang ganyan tutal pera naman nila iyan, pero iyong masyado pang nadidiin ang malalaking gastos, samantalang marami ang nagugutom, sana ay maiwasan.
Nakikisimpatiya kami sa mga mahihirap na nagugutom at nagsu-suot ng halos basahan. Mahal sila ng Diyos.