MANILA, Philippines – Bigo ang kinatawan ng bansa sa Miss World pageant na si Valerie Weigmann na masungkit ang ikalawang korona sana ng Pilipinas sa nasabing pageant. Si Miss South Africa Rolene Strauss ang itinanghal na Miss World at wala ring nakuhang puwesto sa runners up si Valerie.
At least ang nakaraang Miss World na si Megan Young, napanatili ang maging bahagi ng history ng pageant na unang Miss World ng Pilipinas, huh!
Buti walang litid na napatid Julie Anne nakipagbiritan kina Jonalyn at Frencheska
Nagpaandar si Julie Anne San Jose ng iba pa niyang talents sa Hologram concert niya last Saturday sa SM Mall of Asia Arena. Hindi lang kasi pagkanta at pagsayaw ang ipinamalas niya sa mga dumagsa sa unang konsiyerto niya kundi maging ang kaalaman niya sa pagtugtog ng iba’t ibang musical instruments, huh!
May bahagi ng concert na habang kumakanta ang singer-actress ay may ilang Julie Anne na naka-hologram ang nagpapatugtog ng musical instruments. Manghang-mangha ang mga tao sa technological advancement na paggamit ng Hologram sa concert dahil ito ang kauna-unahan sa bansa.
Ang isa sa well-applauded na number ay ang biritan ni Julie Anne kasama sina Jonalyn Viray at Frencheska Farr ng Sharon Cuneta songs medley. Patalbugan talaga ang tatlo na buti naman ay walang litid na napatid sa kanila, huh!
Naging emosyonal din siya siyempre sa parteng nagpapasalamat siya sa tagahanga na walang sawang sumusuporta sa kanya. Nagbigay din siya ng mensahe sa mga taong ikinukumpara siya sa ibang singers.
“Hindi naman po ako nakikipagkumpitensiya sa kanila. Gusto ko lang pong kumanta at mag-perform sa harapan ng maraming tao!” saad ni Julie Anne.
Of course, bukod kay Julie Anne, hindi rin nagpahuli ang mga guests niya gaya nina Christian Bautista at Sam Concepcion pero kinakiligan ng fans niya ang pagsasama nila ng rapper na si Abra sa isang number.
Ilan pala sa mga nanood at sumuporta sa unang concert niya ay ang mga GMA executives, Primetime King and Queen, Dingdong Dantes at Marian Rivera, Bela Padilla, Diva Montelaba, Jeric Gonzales, Phytos Ramirez, Jak Roberto, at Empress Shuck.
Enzo matagumpay pa rin sa pagtatago ng GF
Pahinga muna si Enzo Pineda sa pagsama sa New Year’s Countdown special ng GMA Network. Gusto naman niyang makasama ang pamilya lalo na ang ama na si Eric Pineda, business manager ni Manny Pacquiao, na matagal din niyang hindi nakakasama bago ang New Year.
Mas nakadagdag pa sa saya ng aktor ang pagkakaroon ng tahimik na lovelife sa isang non-showbiz girl. Kelan lang ay nag-celebrate ng birthday ang sinasabing girlfriend pero ayaw niyang ibisto kung ano ang ibinigay niyang regalo at kung magkasama sila sa Pasko.
“Maybe I’ll spend time with her family. Wala namang day kung kelan ako pupunta. Hindi ko pa alam kung before or after Christmas,” pahayag ni Enzo nang makausap ng press sa live presentation ng Sunday All Stars.
Komo nakakaluwag-luwag sa buhay, hindi na naghahangad pa si Enzo ng mamahaling materyal na bagay. Sakto na sa kanya ang magkaroon ng bagong sapatos na hilig niya.
“Pasalamat na lang ako sa blessings na dumarating lalo na’y nasa cast ako ng More Than Words. Of course, for my family, ang safety and health nila. Something simple lang,” rason niya.