MANILA, Philippines – Mas lalong tumitindi ang mga challenges sa The Amazing Race Philippines 2 lalo pa’t papalapit na ang anim na natitirang racers sa finish line. Nitong nakaraang Sabado, napaluha ang mga manonood habang pinapanood ang mag-amang sina AJ at Jody Saliba, mga tubong Olongapo, dahil sa kanilang katatagan at determinasyong manalo sa karera.
Sa final challenge ng Leg 7 kung saan kailangan nilang magkabit ng mga duyan sa mga puno ng niyog nang hindi nahuhulog, ipinakita ni Daddy AJ na gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya para mairaos ang karera nilang mag-ama. Nalaglag ang mag-ama sa ika-anim na pwesto matapos manguna sa ika-anim na leg dahil napagdesisyunan ng apat sa lima pang mga teams na sila ang i-Yield sa leg na ito.
Matapos ang mahabang oras ng paulit-ulit na pagsubok ni Daddy AJ na magawa ang challenge, bigo parin siya sa task. Ang masakit pa lalo, naunahan na sila ng Team Nerds na sina Ed Manguan at Vincent Yu na nag-quit sa task at nag-decide na lamang na mag-pa-penalty ng 90 minutes para makuha ang clue. Nadagdagan pa ang kamalasan nila ng mapilayan si AJ matapos mahulog ang 52-year-old na ama mula sa puno ng niyog. Sa huli, nakumbinsi rin ni Jody ang kanyang tatay na tanggapin na ang kanilang pagkatalo dahil ang mahalaga ay lumaban sila hanggang sa huli.
Habang hinihintay na masentensyahan ni race master Derek Ramsay, maluha-luha sina AJ at Jody sa sinapit nilang kapalaran. Mismong si Derek din ay hindi mapigil na mapaiyak matapos ang kahanga-hangang determinasyon, katatagan at dedikasyon sa isa’t isa ng mag-ama. Maging ang mga netizens na nanonood sa kani-kanilang bahay ay naging emosyonal sa pagpapahayag ng suporta sa Team Mag-ama. Sa di inaasahang pangyayari, inanunsyo ni Derek na pasok pa ang dalawa sa karera dahil non-eliminating round ang nangyaring leg.
Samantala, nanguna naman sa leg na ito ang Team Chefs na sina Eji Estillore at Roch Hernandez. Sila ay nagkamit ng PHP 200,000 cash prize mula sa Rexona. Sinundan sila ng dating couple na sina Matthew Edwards at Phoebe Walker (2nd) at Magkapatid Jet at Yna Cruz (3rd). Pang-apat namang dumating ang mga Mr. Pogi na sina Kelvin Engles at JP Duray bago ang Team Nerds at Team Mag-ama.
Tiyak na mas titindi pa ang mga eksena sa The Amazing Race Philippines lalo pa’t huling dalawang linggo na ng karera! Dahil diyan, asahang wala nang non-elimination legs kaya siguradong mas magiging competitive at agresibo ang labanan sa natitirang anim na racers.
Hatid ng Rexona at sa suporta ng PLDT Home Telpad, Summit Natural Drinking Water, Kia, RCD Royal Homes, Shell at ng Resorts World Manila, ang Amazing Race Philippines ay mapapanood tuwing alas-9, gabi-gabi sa TV5.