MANILA, Philippines – Huwaran ng kabataan ang deskripsyon ni Kim Chiu kay AiAi delas Alas na kasama nila ngayon ni Xian Lim sa Star Cinema movie. Tanging sa TV series na Binondo Girl sila nagkasama ng Comedy Queen kaya naman mas marami siyang nadiskubre sa komedyana.
“Isa sa natutunan ko sa kanya, dapat maging humble. Huwag mong ilagay sa utak mo kung nasaan ka man. Kung ano ang narating mo. Kung saan ka man ngayon. Nandiyan ka na pero magmamaldita ka. Magsasabi ka ng, ‘Ayoko na! Cut off ko na! Uwi na ako!’
“Hindi siya ganoon. Parang, ‘Ilan pa ba? Sige, tapusin na natin. Hanggang doon na lang ang kaya ko.’ ‘Yung iba, puwede naming habaan ang oras.
“’Yung kay Miss Ai, ang bait niya. Parang gusto ko ganoon din ako. Hindi naman sa…Parang gusto ko, ganoon na. Hindi ‘yung pag-alis mo, pinag-uusapan ka sa ginawa mo. Gusto ko, maganda ‘yung pinag-uusapan sa akin. Pagtalikod ko, maganda ang reviews! Reviews! Ha! Ha! Ha!” pahayag ni Kim sa pressscon ng movie.
Bumilib din si Xian Lim sa propesyunalismo ni AiAi. Galing sa sakit ang komedyana nang masaksihan niya ang kawalan nito ng reklamo sa eksenang ipinagawa sa kanya.
“Marumi ang location namin. Maalikabok. So pinahihiga si AiAi sa sahig. Pinagulung-gulong siya! Kung anu-ano ang pinagagawa sa kanya at okey lang siya! So si Miss AiAi, go with the flow lang talaga!” chika naman ni Xian.
Eh, ano kaya ‘yung nangyari kay Kim sa past na gusto na niyang lagyan ng tuldok?
“Gusto kong lagyan ng tuldok ‘yung nangyari sa amin ng papa at mama ko. ‘Yung parang hindi ko…Hindi ko sila masyadong pinahahalagahan kasi parang..Bakit? Bakit kayo nang-iwan? Nandoon po ‘yung galit ko siguro.
“Ilang years din po ‘yon. But life is short. Dapat kalimutan ang dapat kalimutan. Sayang ang mga taon na ‘yon na dapat ay nagsama-sama kami. Mas nagkaroon ng father figure. Now I’m making up naman sa nangyari. Pero nasayang lang nu’ng bata pa ako!” rason ni Kim.
Ang Past Tense ang huling movie offer ng Star Cinema para sa 20th anniversary nito sa movie industry.
VM Joy Belmonte all out ang suporta sa LGBT
Aktibo ang Quezon City Vice Mayor na si Joy Belmonte sa pagtulong sa LGBT (lesbian, gay, bisexual, at transgender) community upang maging kapantay nito ang mga tunay na babae at lalaki pagdating sa mga karapatan.
Kaya naman sa press launch ng unang QC Pink International Film Festival na magaganap sa December 9-16 sa Trinoma cinemas, suportado niya ang proyektong ito ng Quezon City Pride Council na pinamamahalaan ni director Soxie Topacio at ng Philippine Initiative on LGBT Pride Advocacy, Inc. headed by Nick Deocampo na siya ring Pink Festival Director.
Ayon kay VM Joy, kakaiba raw ang Pink Festival na mapapanood ng publiko.
“Tayo lamang po sa tingin ko ang local government unit na naglakas ng loob na magtanghal ng isang Pink Film Festival.
“Tandang-tanda ko pa nung nakaraan na gumawa na ng ganito bago pa man ako nahalal bilang Pangalawang Punong Lungsod. Ngunit napakaraming nagpayo na hindi pa panahon.
“Pero sa palagay ko ngayon, panahon na sapagkat may advocacy component po itong ating film festival.
“Kamakailan lamang po, nagkaroon ng halos walong oras ng pagdedebate ng konseho at naipasa po ng Sangguniang Panglungsod ng Lungsod Quezon ang isang ordinansa kung saan atin pong isinusulong ang pagkapantay-pantay po ng lahat ng mamamayan sa ating lungsod.
“Ibig sabihin po, ang LGBT sector ay hindi na iba sa ibang mamamayan sa ating lungsod. Ang tawag po natin sa batas na ito ay Quezon City Gender Fair Ordinance. Sa batas na ito, lahat ng kaibigan nating LGBT ay makakatanggap ng pantay-pantay na serbisyo sa kalusugan, sa pamamahay, sa edukasyon at sa social services or benefits.
“Sa kasalukuyan, hinihintay na lang natin ang mapirmahan ito ni Mayor Herbert Bautista at sabi niya, aanyahan kayong muli dahil ayon sa kanya, ito ay isang landmark measure sa buong Pilipinas!” balita ni VM Joy.
Bukod sa filmfest at ordinansa, magkakaroon din ng Pride March sa ilang kalye sa QC sa December 13 kung saan inaasahan ang pagdagsa ng floats mula sa barangay at ang dami ng members ng LGBT.