MANILA, Philippines - Umaangal na raw ang ilang artistang kasama sa isang series. Paano naman kasi, beinte kuwatro oras ang ginugugol nila sa taping kaya naman pag-uwi ay hilahod na sa pagod ang buong katawan, huh!
Mabuti sana kung abot hanggang langit daw ang bayad sa mga artista at crew. Kaso, hindi. Eh, wala namang magawa ang mga bida dahil nga gusto nilang magkaroon ng trabaho at naghahangad sumikat!
Pero kung hindi man umalma ang mga artista, malamang na ang mga staff and crew ang magwelga sa hindi makatotohanang oras ng trabaho, huh!
Magaling na aktor na dumadaan sa pagsubok, walang makuhang suporta sa press
Mababa rin daw pala ang tingin ng isang magaling na aktor sa ilang members ng entertainment press. Nagbuhos ang aktor sa isang kaibigan sa hinaing niya sa press na hindi niya alam ay malapit sa entertainment press.
Dumadaan kasi sa pagsubok ngayon ang aktor. Eh sa write ups na nababasa ng aktor, naramdaman niya ang pagiging biased ng ilang press sa kanya. Feeling niya, hindi siya binibigyan ng pagkakataon na dinggin ang side niya.
Ramdam pa ng aktor, sinasadya ang ginagawa sa kanyang pambibira. Kaya naman medyo allergic na ang aktor kapag may press na gustong kumausap sa kanya. Sa totoo lang, limitado rin kasi ang circle of friends sa press ng aktor.
Kalandian ni Paolo sa pagmi-makeup susugalan na sa pelikula
Si Ellen de Generes ang latest foreign celebrity na ginaya ni Paolo Ballesteros. In fairness, wagas na wagas din ang pagiging “Ellen” ni Paolo, huh!
Dahil sa galing ni Pao na manggaya ng local and foreign celebrities, may nakaisip na isang movie producer na gawan siya ng solo movie kung saan iba-ibang mukha ang ilalantad niya sa big screen!
Kung sakaling matuloy, mapapakinabangan ng Eat Bulaga host ang “kalandian” niya sa pagmi-makeup, huh! Ano kaya ang bagay sa kanya, leading man o leading lady? He! He! He!
Movie na ipinalabas, P2M lang ang nagastos
Grabe! Nakakagawa pala ng movie na P2M lang ang gastos, huh! ‘Yan ang kuwento ng isang movie na nagtampok sa isang malaking artista.
Kasi naman, ang marketing ng movie ay mainstream komo nga pang-mainstream ang mga bida. Pero sa budget na P2M, aba, mas bababa pa yata sa indie ang kalidad ng pelikula, huh!
No wonder, halatang minadali ang movie nang sa gayun, hindi na lumaki pa ang gastos, huh! Feeling ng nakapanood ng movie, tinapos na lang basta ito upang maipalabas na, huh!
Richard nakawala na sa GMA films
Nagtapos na ang kontrata ni Richard Gutierrez sa GMA Films. Ito ang kontratang naiwan ng aktor kahit tapos na ang kontrata niya sa GMA Network.
Nu’ng mag-expire nga ang kontrata, hindi muna umimik si Tita Annabelle Rama. Baka kasi may option pa ang kumpanya na i-renew ang kontrata ng anak eh wala siyang laban dito.
Pinatapos muna ni Tita A ang isang buwan. Nang walang tawag ang GMA Films, siya na ang nagpadala ng sulat upang sabihin ang expiration ng contract. Wala namang naging isyu sa GMA Films at pinakawalan na nila si Chard.
Masaya siyempre si Tita A dahil wala nang sagabal sa pagkuha ng ibang kumpanya kay Richard!