Medical serye ni Dennis huling tibok na

MANILA, Philippines - Huling tibok na pala ngayong Linggo ng kauna-unahang medical drama series ng GMA 7, ang Sa Puso ni Dok.

Pinangungunahan ni GMA Drama King Dennis Trillo kasama  si Bela Padilla, tampok sa weekly series ang masaklap na realidad sa estado ng pampublikong kalusugan sa bansa.

Maraming pinagdaanan ang mga bidang doktor at sa pagharap nila sa mga krisis sa ospital, unti-unting naging malapit sa isa’t isa sina Doc Dennis (Dennis) at Doc Gab (Bela).  Pero parehong may balakid sa kanilang pag-iibigan dahil may kani-kaniyang nagmamahal na sa kanila.  Hinaharap din ng dalawa ang malaking problema ng korapsyon sa ospital.

Sa huling gabi ng Sa Puso ni Dok, alamin kung may pag-asa pa nga bang magkatuluyan ang dalawang bidang doktor.  Susugod ang ina ni Doc Dennis nang malamang natutupok ng apoy ang Melchora Aquino General Hospital.  Hahanapin ni Aling Gloria ang anak pero magiging mitsa ito ng panganib sa kanilang mag-ina.

Sa pangyayaring ito, isang malaking desisyon ang kailangang gawin ni Doc Dennis na magiging dahilan ng tampuhan ng dalawang bidang doktor.  Ito na ba ang katapusan ng kanilang namuong pagtitinginan?  

Mula sa direksyon ng internationally-acclaimed filmmaker na si Adolf Alix, Jr panoorin ang huling yugto ng Sa Puso ni Dok, ngayong Linggo, 9:30pm, pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho sa GMA7. 

 

Show comments