The Singing Bee goodbye na

MANILA, Philippines - Star-studded ang huling linggo ng The Singing Bee kung saan ilan sa mga maglalaro sina Ai-Ai delas Alas,  Judy Ann Santos,  Anne Curtis, Luis Manzano, at iba pa.

Kasama ring maglalaro sa finale week sina Alex Gonzaga, Melai Cantiveros, at Jason Abalos, na maghaharap-harap sa Lunes (Agosto 25) at susubok na agawin ang titulo ni Coleen Garcia bilang kasalukuyang defending champion.

Hindi aatrasan nina Anne, Luis, at Iya Villania ang hamon ng ‘bee-ritan’ sa Martes (Agosto 26), habang sina Agot Isidro, Jim Paredes, at Melissa de Leon naman ang magtutunggali sa Miyerkules (Agosto 27) kasabay ng advance birthday celebration ng isa sa hosts na si Amy Perez.

Magpapagalingan din sa kantahan at hulaan ng tamang lyrics sina Robi Domingo, Sam Concepcion, at Empress Schuck  sa Huwebes (Agosto 28), habang sina Ai-Ai, Judy Ann, at box-office director na si Cathy Garcia-Molina naman ang magtatapat-tapat sa huling episode ng game show sa Biyernes (Agosto 29).

May mananalo kaya ng P1 milyong jackpot sa kanila at hahabol sa listahan ng mga milyonaryo ng The Singing Bee? Sa kasalukuyan, nagkaroon na ito ng apat na milyonaryo na kinabibilangan nina Sheryl Cruz, KZ Tandingan, Bodie Cruz, at Frenchie Dy.

Namayagpag sa ratings ang The Singing Bee simula nang muli itong umere sa ABS-CBN noong Nobyembre 2013. Ito rin ang naglunsad sa pagbabalik-tambalan ng patok na hosting tandem nina Roderick “Kuya Dick” Paulate at Amy “Amay” Perez matapos ang walong taon.

Mapapanood ito 10:45 AM sa ABS-CBN.

 

Show comments