Mukha talagang may naninira kay Maricel Soriano. Nahalata namin kahit na noon pa, panay ang pakalat ng mga blind item tungkol sa Diamond star na alam mo namang hindi totoo. May mga nagsasabi nga sa amin na may mga tao kasing hindi matanggap ang katotohanan na nariyan pa rin si Maricel, at may followers pa rin siya.
Nagsisimula pa lang ang Dalawang Mrs. Real, talagang may mga nagne-nega na kay Marya. Unprofessional daw si Maricel na madalas ay late kung dumating sa taping, at pagdating naman daw, nauuna pa ang pagdadaldal kaysa sa paghahanda sa kanilang trabaho, at iyon ay nakaka-delay ng taping nila talaga.
Pero may nagsasabi naman na wala naman daw problema, dahil basta kailangan nang maaga si Maricel, payag iyon sa maagang taping at happy pa nga raw dahil ibig sabihin maaga siyang makakauwi. Kung medyo late naman siya talaga kailangan, sinasabihan nila na late nang dumating.
Hindi mahalaga kung ano man iyang mga kumakalat na tsismis eh. Ang mahalaga ay kung ano ang totoong nangyayari sa set. Kahit naman anong paninira nila kay Marya, may epekto ba naman? Mas matindi pang paninira ang inabot niya kaysa riyan, pero nanatili naman ang respeto ng mga tao sa kanya, kasi kinikilala naman si Maricel bilang isang mahusay na aktres.
Richard napaboran sa pagkatalo
Mukha talagang dinidibdib ni Richard Gomez ang paglalaro ng volleyball. Talagang may sinalihan na siyang team, at pinangangatawanan na ang pagsali sa mga tournament. Enjoy siya sa paglalaro niya.
Kung iisipin, iyang mga bagay na iyan ang siyang nawala sana sa kanya kung nanalo pa siya sa eleksiyon at naging mayor. Ngayon nakakapaglaro siya anumang oras na gustuhin niya. Nakakatanggap pa siya ng pelikula at serye.
At kung gusto lang niyang makatulong sa mga kababayan niya, congresswoman ang kanyang asawa na tinutulungan naman niya sa lahat ng mga proyektong ginagawa nito.
Kung iisipin mo sa ngayon ay alanganin ang image ng mga public officials dahil sa mga nangyayaring anomalya sa gobyerno, mas mabuti na nga iyong hindi siya kasali.
Deklarasyon ng national artist maling akala na naman
Napadaan kami noong isang araw sa harapan ng Cultural Center of the Philippines. Ang dilim-dilim ng lobby, walang ilaw. Hindi kagaya nang dati na wala mang okasyon, may ilaw kahit papaano. Iyong harapan, ang dilim din, wala man lang ang laging nakasinding spotlight noon.
Dahil madilim, ibig sabihin wala ring naging “pasinaya†noong mga araw na iyon. Walang kahit na anong deklarasyong naganap na dapat i-celebrate sa CCP. Mali na naman ang kanilang mga hula. Hindi naganap ang pagde-deklara ng mga bagong national artist ng bansa.