Mga kamag-anak naiirita, aktres donya kung makaasta ‘pag nasa kanilang probinsiya

Sa tuwing uuwi sa kanilang lalawigan ang isang aktres, tila pinagtataguan siya ng kanyang mga ka­mag-anak. Say nila, ayaw ng kanyang relatives  nilang magpenetensya sa tuwing bumibista doon ang artista!

Pagdating pa lang kasi ay daig pa ang donya kung mag-utos sa mga nakikita niyang mga tao, kahit hindi naman niya kilala. Lahat naman ng bagay na dala niya, hindi maaring basta galawin o hipuin man lang! Bubulyawan niya agad ang gumawa nito.

Kapag nakakakita ng magagandang bagay na gawa doon sa kanyang hometown, panay na ang hi­ling. Gusto pa, libre lahat. Parang walang ginasta sa mahirap na paggawa nang mga ginusto niya.

Ngayong Semana Santa, nandoon sa scenic barrio muli ang aktres. Nagtataka pa kung bakit tila malaki ang nabawas sa kanilang populasyon! Ang sinasabi na lang sa kanya, lumuwas ng Maynila at dito nagbabakasyon!

 

Problema sa boses hindi kopya kay Nora

Bago ninyo pagbintangan si Yasmien Kurdi na nanggaya kay Nora Aunor tungkol sa pagkawala ng singing voice, alamin muna ang mga nangyari.

Ang Superstar, kaya naging masama ang epekto sa kanyang pagkanta, nagpa-cosmetic surgery siya. Gusto niyang magmukhang bata uli o gumanda. Naging dahilan ito upang maglaho ang kanyang golden voice!

Si Yasmien, talagang nagkaroon ng cyst sa kan­­yang lalamunan, na dapat matanggal sa pama­ma­gitan ng operasyon. Kapalit nito ay ang pagkawala ng kanyang singing voice. Bukod kasi sa pagiging aktres, singer/recording artist siya.

Sa ngayon, hindi alam ni Yasmien kung babalik pa ang kanyang husay sa pag-awit. Siya mismo kasi ang unang nakaramdam na hindi na tulad ng dati ang kanyang magandang tinig. Puwede pa rin naman siyang kumanta, pero iba na ang kalidad ng kanyang boses.

At ang kanyang diperensiya, hindi dahil wrinkled na o kulubot na siya. Sa lalamunan talaga ang kanyang karamdaman at hindi kutis o balat!

 

Sikat na singer/actress ng dekada-50-70 mabenta pa rin sa mga probinsiya

Habang active pa si Darius Razon sa kanyang showbiz career, buhay na buhay pa sa eksena si Rhodora Silva. Silang dalawa ang nagdu-duet, kapag may mga live engagement ang singer/politician.

Ilang ulit nang nahalal na konsehal sa Mandaluyong si Dada (Darius) at in-demand pa rin siya sa mga show, lalo’t sa mga pistahan sa probinsiya. Ang nahihiling na isama niya, si Rhodora. Kung natatandaan pa ninyo, ang magandang Bikolana ang isa sa mga pinakasikat na singer/actress noong ’50s to 70’s.

Ang mga kasabayan nila Dada at Rhodora ay sina Eva Vibar, Esperanza Fabon (na ngayon ay isang judge at nakatapos na ng Doctor of Laws), Mildred Ortega at Amalia Braza.

 

Julia sanay nang mag-dyeta pag Mahal Na Araw

Kasama ni Julia Barretto ang kanyang pamilya ngayong Semana Santa. Sabay-sabay silang magro-rosaryo at nagdarasal sa kanilang tahanan.

Sanay na si Julia na tahimik sa kanilang bahay kapag Holy Week. Pati ang kanilang pagkain ay diyeta, dahil wala ang mga the usual nilang pagkain. Bata pa sila, sanay na sa fasting at abstinence sa panahong ito.

Mula Lunes Santo hanggang Sabado de Gloria ang pag-aayuno. Ang Easter Sunday naman may big feast palagi sa bahay nila. Kung minsan, dumarating din sa kanila ang ibang kamag-anak, upang magsalu-salo sa Pasko ng Pagkabuhay.

Ang busy ng sked ni Julia sa Mirabella kaya hindi rin siya maa­ring mamasyal sa mga lugar na may kalayuan.

 

Robi, mawawala muna sa social media

Tulad ng ibang young stars, babawasan ni Robi Domingo ang paggamit ng Internet this Holy Week. Ilalaan naman niya ang oras sa pagdarasal at pag-asikaso ng kanyang pamilya.

Kaya mami-miss ng mga mahilig sa social media si Robi at marami pa niyang mga kasamahan. Next week na lang uli.

Show comments