MANILA, Philippines - Sampung taong nagtrabaho bilang public school teacher si Fe Vidal saka sumubok na maging overseas Filipino worker, ngunit sa Pilipinas niya pa rin nahanap ang tagumpay matapos siyang umuwi at yumaman dahil sa boneless bangus.
Ngayong Miyerkules (April 9) sa My Puhunan, ilalahad ni Karen Davila ang kuwento ng pag-asenso ng itinuturing na ‘bangus queen’ ng Dagupan at kung paano siya naging milyonaryo.
Nagsimulang magnegosyo si Fe noong 1989. Una niyang binenta ay 20 piraso ng boneless bangus na siya mismo ang nag-debone at nagtimpla gamit lamang ang P500 na puhunan.
Ngayon, umaabot na sa 3,000 hanggang 5,000 piraso ng bangus ang kanilang dine-debone kada araw. Kalaunan, naging supplier na si Fe sa iba’t ibang supermarket sa buong Pilipinas.
Bukod sa sikat na bangus products ng mga Pangasinense, itatampok rin ni Karen ang pinaka-pinaghahandaan nilang magarbong selebrasyon ng Bangus Festival at ang taunang One Town, One Product Trade Fair kung saan ibinibida ang mga produkto ng probinsiya. Kilalanin ang ilan sa mga negosyanteng bumida sa taong ito at ang kanilang mga produkto tulad ng sikat na tupig sa Manaoag, bamboo handicraft, at longganisa.
Bukas (April 8) naman sa Mutya ng Masa, isasalaysay ni Doris Bigornia ang pagpupunyagi ng high school student na si Michael. Araw-araw niyang tinatawid ang dagat gamit ang balsang gawa sa styrofoam at basura para lang makarating siya sa eskwelahan. Kahit nga raw umuulan ay pumapasok pa rin ito. Nagtapos na siya ng high school, ngunit sa kalagayan ng kanyang pamilya, makakapag-aral pa kaya siya sa kolehiyo?