I-Witness at Reporter’s Notebook magdo-double treat

MANILA, Philippines - Isa na namang makabulu­hang gabi ang hatid ng mag­kasunod na episodes ng I-Witness at Reporter’s Notebook ngayong Sabado, Abril 5, sa GMA 7.

Tampok sa I-Witness ang dokumentaryo ni Kara David tungkol sa mga pulot-pukyutan. Mahalaga ang ginampanang papel ng pulot o honey noong mga sinaunang sibilisasyon. Hindi lamang ito ginamit para sa tamis nito, naging gamot at pera rin ito ng mga sinaunang tao.

Sa malayong barangay ng Salapadan, Abra, ang pagkuha ng pulot ay matagal nang gawain. Pinagkakitaan din ito ng kanilang mga ninuno. Ilang dekada na ang lumipas pero ito pa rin ang produkto ng mga katutubo ng Abra.

Kikilalanin ni Kara ang magkapatid na sina Charlie Boy at Edrian Bangngayen na madalas hinihintay ang pagdating ng tag-init. Ito kasi ang panahon ng kanilang pagtatapos sa paaralan at pagkuha ng pulot. Dala ang kanyang sulo, dahan-dahang lumapit si Charlie Boy sa pukyutan nang walang maskara o kahit anong proteksiyon laban sa libu-libong bubuyog. Usok mula sa sulo ang kanyang tanging pananggalang sa mga bubu-yog para siya’y hindi nila kagatin. Para saan ang pagsuong sa panganib na ito? Alamin ngayong gabi sa I-Witness.

Kasunod naman nito ang mga matatapang na ulat nina Jiggy Manicad at Maki Pulido sa Reporter’s Notebook.

Kilala ang Subic Bay sa halos 20 shipwreck o mga lumubog na barko noon pang panahon ng Spanish-American War at ng Second World War. Kaya mahalagang bahagi ang mga ito ng ating kasaysayan. Dinarayo rin ang mga ito ng mga diver mula sa iba’t ibang bansa upang mapag-aralan pero nanganganib daw ang mga ito dahil sa iligal na pagkakarne o salvaging ng ilan. Mahigpit na ipinagbabawal sa Republic Act 10006 o National Cultural Heritage Act ang gawaing ito. Bukod sa ipinagbabawal sa batas, isa ring banta sa kaligtasan ang pangunguha ng bakal mula sa mga shipwreck. Tunghayan ang ulat na ito ni Jiggy Manicad.

Samantala, dekada 40 nang unang itayo ang Calumpit Bridge na nagdurugtong sa mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga. Kada araw, mahigit 15,000 sasakyan ang dumadaan noon sa tulay. Dahil sa kalumaan at karupukan, kinailangan itong palitan ng isang bagong tulay. July 2013 nang simulan ang pagtatayo ng bagong tulay na pinondohan ng 166 milyong piso. Dapat ay tapos na sana ito ngayong April 2014. Pero sa pagpunta ng Reporter’s Notebook sa lugar, wala pa ni isang poste ng bagong tulay ang natatapos at pawang mga bakal mula sa lumang tulay ang tumambad sa amin. Kaya naman ang napakara-ming residente, nagrereklamo na sa tagal at mabagal na usad ng proyekto. Ano ang dahilan ng pagkakaantala ng malaking proyektong ito?

Abangan ang back-to-back episodes ng I-Witness at Reporter’s Notebook ngayong Sabado ng gabi, pagkatapos ng Celebrity Bluff, sa GMA 7.

Show comments