Kontrobersiya ng PMPC patapos na

Maliwanag ang sinabi ni Gov. ER Ejercito, wala siyang kinalaman sa controversy na namamagitan ngayon sa Philippine Movie Press Club (PMPC) at sa kanyang public relations man na si Jobert Sucaldito. Wala siyang kinalaman sa sinasabing “lobbying” o pamimili ng boto para siya manalong best actor at wala siyang sama ng loob sa PMPC kung natalo man siya ni Vice Ganda.

Expected naman ang ganyang reaksiyon. In the first place, sinabi naman talaga ni Jobert na hindi niya alam ang nangyaring iyon. Pero sinabi rin ni Gov. ER na okay lang din naman siguro ang ginawa ni Jobert dahil gusto lang niyang itama kung anuman ang mga maling umiiral sa industriya.

Binigyang diin din niya, na basta siya, ang kanyang commitment lamang ay makagawa ng isang mahusay na pelikula minsan man lang sa isang taon upang makatulong sa mga tauhan ng industriya kahit na paano ay huwag namang tuluyang mamatay ang showbusiness.

Okay na iyon at sa palagay namin sa ganyan na lang matatapos ang kanilang controversy. Siguro nga ang mangyayari ay makukuha naman ni Jobert ang cue mula sa kanyang boss na itigil na kung anuman ang controversy sa naganap na awards night. Kaya nga kahit na ang reaksiyon ni Jobert sa statement ng PMPC ay “eh di idemanda nila ako para magkalabasan na kami ng baho,” medyo kalmado na rin siya. At saka siguro nga nang una naman siyang gumawa ng statement, katatapos pa lamang ng award at natural mainit din ang ulo niya.

Isa pa, pareho sila ni Vice Ganda na nasa ABS-CBN. Pinanindigan at kinampihan siya noon ng ABS-CBN nang gusto siyang ipatanggal ni Willie Revillame. Makakasiguro ba siyang gano’n din ang mangyayari sa kanila ni Vice Ganda?

Maraming mga bagay na kailangang isipin nila eh kaya naniniwala kami na matatapos ang lahat ng iyan. Hindi na iyan mapag-uusapan pa.

Jose hinuhusgahang nambababae

Huwag naman tayong magpadalus-dalos sa paghusga kay Jose Manalo na siyang sinisisi kung bakit diumano nag-suicide ang kanyang anak na babae. May naglabasan kasi agad na mga balita na ang kanyang anak na babae ay nag-suicide dahil diumano ay pinababayaan niya ang kanyang pamilya, hiniwalayan niya ang kanyang asawa, at ni hindi sinusustentuhan ang kanyang mga anak. Iyon daw ang dahilang nakalagay sa suicide note ng kanyang anak. May akusasyon pang iniwan niya ang kanyang pamilya dahil sa ibang babae. Mukhang sobra naman ang kuwento.

Una, sino ba ang nakakita ng suicide note ng kanyang anak na babae kung totoo man na nag-suicide iyon? Pangalawa, sino ba ang makapagsasabing may ibang babae si Jose kaya niya iniwan ang kanyang pamilya?

Sa natatandaan namin, nagkaroon ng problema si Jose at ang kanyang asawa matapos ang kanilang gulo sa isang grupo ng mga mag-aalahas. Dahil doon, ilang buwan ding pinagpahinga si Jose ng Eat Bulaga. Nadamay lang nga si Jose dahil ang talagang may problema ay ang kanyang asawa. Alam namin kasi kami ang unang nakausap ng mga nagrereklamong mag-aalahas na iyon eh. Isang grupo iyon talaga.

Ang alam namin ay doon nagsimula iyon dahil si Jose ang binagsakan ng problema. Inayos iyon ng comedian-TV host at unti-unting binabayaran. Alamin muna natin, baka naman iyon ang dahilan at hindi iyong bintang nilang nambababae si Jose.

 

Show comments