GMA kailangan si Richard?!

Naging guest si Richard Gutierrez sa show ni Ryzza Mae Dizon, first time niya ulit sa Channel 7 after a long while. Ilang panahon din naman iyong nakikita siyang guest sa ibang stations pero hindi nga sa Channel 7. Hindi naman maikakaila na iyon ay dahil sa katotohanang at odds nga sila ng network. Hindi naman niya personal na problema iyon kundi dahil sa naging problema na rin ng kanyang girlfriend na si Sarah Lahbati.

Ngayong maaayos na rin naman ang lahat, kasabay noong pagbasura ng piskalya sa mga kasong isinampa ni Sarah laban kay Annette Gozon-Abrogar, siguro naman maaayos na pati ang relasyon ni Richard sa kanyang home network.

Hindi naman natin maikakaila na talagang sa Channel 7 na-build up nang husto si Richard. Hindi rin naman maikakaila ng Channel 7 na ang mga seryeng ginawa ni Richard sa kanilang network, nagsimula sa Mulawin, ay nakapag-angat ng ratings ng kanilang istasyon at nag-akyat din ng malaking kita. Doon sila nagsimulang lumaban nang husto. Hindi rin nila maikakaila na noong magbakasyon na si Richard, medyo napilayan sila sa primetime.

Sa ganyang sitwasyon, parang mas mabuti ngang magkaayos na lang sila. Mukhang magiging maganda iyon para sa kanilang pareho.

Butas na statement ni Roxanne nakalusot sa abogado

Kagaya nga ng inaasahan na namin, magkakaroon ng pagbabago sa statement ni Roxanne Cabañero Acosta dahil sa mga lumabas na ebidensiya na physically impossible kay Vhong Navarro na nasa Cavite at ma-rape siya nang sabay. Nagkaroon din ng kaunting paltos doon sa sinasabi niyang lugar kung saan siya sinundo at muling inihatid ni Vhong matapos na siya ay halayin pero sinabi nga nila na nagkaroon lang ng confusion dahil magkatabi lamang ang dalawang hotels, naunang sinabi sa kanila na nasa Astoria sila at natural lang sa isang probinsiyana na malito.

Sa kampo naman ni Vhong, sinasabi nilang ang inconsistencies sa statement ni Roxanne ay makakabawas ng malaki sa kanyang kredibilidad bilang complainant.

Ang isa pang posibilidad doon, baka naman minadali ng kanyang abogadong si Virgilio Batalla ang affidavit ni Roxanne at kagaya ng karaniwang nangyayari, ang abogado naman talaga ang gumagawa ng statement at pinipirmahan na lang ng kliyente. Minsan may nangyayari talagang error dahil wala naman talagang alam ang abogado sa nangyari at ang kanyang ginawa ay batay lamang sa pagkaka-intindi niya sa sinabi ng kanyang kliyente.

Anyway, maghaharap naman sila sa husgado. May cross-examination naman at naroroon ang talagang labanan niyan.

Show comments