John Lloyd nagsalita na tungkol kay Cedrick Lee!

Aminado si John Lloyd Cruz na nakilala niya si Cedrick Lee noong time na sila pa ni Shaina Magdayao. Aniya ay nakikita niya raw noon ang kontrobersiyal na negosyante sa family gatherings ng mga Magdayao dahil noong time na ‘yun ay karelasyon pa nito si Vina Morales.

Pero sana raw ay huwag nang idawit pa ang pa­rro although malinaw naman sa mga pahayag niya nang makausap namin siya sa presscon ng Kapamilya Comedy Shows last Thursday night na nakapanig siya sa host ng It’s Showtime na kaibigan niya.

“Tumatakbo na ang kaso nila, I think it’s best na huwag na lang akong magbigay ng kahit anong. . .kasi hindi naman importante ‘yun, wala na akong dapat sabihin tungkol diyan,” sabi ng aktor.

Dagdag pa niya ay napakasensitibo ng kaso para sa kaibigan niyang si Vhong at alam din niyang hindi rin madali ang pinagdadaanan ng comedian/TV host.

“Ako naman, hindi nagkukulang ng pagsasabi sa kanya (Vhong) na ‘o, nandito ako’, kaming mga kaibigan niya. Regular kaming nakakapag-usap. Kanina, magka-text kami. Masayang-masaya ako na nakauwi na siya,” he said.

Kung sakaling siya ang malalagay sa sitwasyon ni Vhong, ipaglalaban din ba niyang makamit ang hustisya?

 â€œOo naman kasi, kahit sinong tao na nasa tama. . .I mean, hindi naman ikinakaila ng kaibigan ko na nagkamali siya sa kanyang girlfriend. Hindi naman siya nagmamalinis.

“Pero hindi naman tama ‘yung sinapit niya. So, siya ang nakakaalam, alam kong nagsasabi ng totoo ang kaibigan ko at humahanga ako na pinanindigan niya dahil hindi madali ‘yung. . . Minsan mahirap manindigan, eh. Lalo na pag may kapalit. Kaya humahanga ako sa kaibigan ko,” pahayag ng aktor.

Samantala, masaya si Lloydie na mataas ang ratings ng sitcom nila ni Toni Gonzaga na Home Sweetie Home na napapanood every Sunday.

“Maraming-maraming salamat po, hindi namin inaasahan ‘to, pero maraming maraming salamat,” he said.

Abangan daw ang susunod na episode dahil guest nila si Ruffa Gutierrez na as we all know ay ex-girlfriend ng aktor. Naging smooth naman daw ang taping at natapos nang maayos. Okay naman daw sila ng aktres at nag-enjoy nga raw sila while filming.

“Masaya, maganda ‘yung trabaho, ‘yung taping naging masaya, mabilis natapos, nag-enjoy naman kami. Si Ruffa, she was a good sport, naging game siya, talagang kung ano ‘yung eksenang hihingi ni Direk Bobot (Mortis), naibigay niya,” he said.

Kinilig ba si Ruffa ulit sa kanya?

“Alam n’yo, eh hindi ko po alam at mas maganda na hindi ko alam,” say niya.

Inamin din ni Lloydie na may nilulutong project na pagsasamahan nila ni Anne Curtis pero bawal na bawal pa raw idetalye ang tungkol dito. Ayaw niya ring sabihin kung pelikula o teleserye dahil hindi pa nga raw pwede.

Nash lutang na lutang

Nasa nasabing presscon din si Nash Aguas bilang kasama siya sa cast ng Luv U at malakas nga pala ang dating ng bagets na ito. May inihanda silang production number for the press and we’d say na lutang na lutang siya talaga sa mga kasamahan niya. 

Sikat na sikat na rin ang loveteam nila ni Alexa Ila­cad and in fact, napapanood nga rin ang tambalan nila sa Wansapanataym Presents Enchanted House every Saturday.

Show comments