J-Law daring na, parang si Miley Cyrus

Lalong tataas ang kalidad ni Jennifer Lawrence, na tinatawag na ngayong J-Law sa Hollywood, dahil isa na namang trophy ang nakuha niya. Kinilala ang kanyang acting prowess sa katatapos na Golden Globe Awards bilang best supporting actress para sa crime-comedy film na American Hustle.

Nung isang taon lang ay siya ang best actress sa Academy Awards dahil sa kanyang portrayal sa isang batang biyuda na may odd personality sa Silver Linings Playbook.

Kung tutuusin medyo lumalayo na siya sa nagpasikat sa kanyang napaka-loveable na character bilang Katniss Everdeen sa Hunger Games movie series. Doon kasi ay isa siyang inosenteng dalaga at simpleng heroine lang. Ngayon, kahit sa kanyang buhok at pananamit, ay nagiging experimental na si J-Law. Hindi naman siya muma-Miley Cyrus pero daring na talaga siyang tingnan sa blonde niyang buhok.

Mukhang papaganda pa ng todo ang career ng 23 years old lang na aktres lalo’t hindi pa tapos ang Hunger Games film adaptation. At tiyak na pila-pila na ang iba pang challenging projects sa kanya. 

Sana mabigyan pa siya ng mga katulad ng Silver Linings Playbook (ipinalabas nung isang taon) at American Hustle (wala pang playdate sa Pilipinas) na role dahil lumalabas talaga ang talent ni Jennifer.

PETA nagpaka-masa sa Rak of Aegis

Masang-masa na ang Philippine Educational Theater Association (PETA) sa pagbibigay buhay nila sa mga kanta ng Aegis sa bagong comedy musical nilang handog, ang Rak of Aegis.

Siyempre aasahan na sa repertoire ang mga pinasikat ng banda: Sinta, Basang-Basa sa Ulan, at Halik.

Ano kaya ang naisip ng kilalang theater group at Aegis ang napili nilang gawan ng musical? Series na kaya talaga ito? Bago kasi ang Rak of Aegis ay nabuo nila ang Sa Wakas musical na mga kanta naman ng bandang Sugarfree ang itinampok.

Kaya posible pang masundan ng iba pang Original Pilipino Music (OPM) ar­tists ang Aegis musical ng PETA. Nandiyan pa ang masang musikero na si April Boy Regino na sa personal na kalagayan ngayon ng singer-composer ng April Boys ay dapat mabigyan ng tribute.

Ang Rak of Aegis ay mapapanood sa PETA Theater Center sa New Manila, Quezon City mula Jan. 31 hanggang March 9.

***

May ipare-rebyu? E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com

Show comments