MANILA, Philippines - Huwag na huwag palalampasin ang pinakamatagumpay na ballet sa taong ito – ang Tatlo Pang Kuwento ni Lola Basyang, na itatanghal ng buong pangkat ng Ballet Manila sa pamumuno ni Lisa Macuja-Elizalde. Bilang bahagi ng Pamaskong Handog ng Star City, itatanghal sa Aliw Theater ang engrandeng palabas na ito na libre para sa mga bibisita ng Star City gamit ang ride-all-you-can tickets na nagkakahalagang P420 o maging sa karaniwang entrance-only admission sa halagang P65.
Ang Tatlo Pang Kuwento ni Lola Basyang na nakapagpasaya na ng mahigit isandaang libong tao ay halaw sa mga sinulat ni Severino Reyes na nilimbag ng Anvil Publishing: Ang Palasyo ng mga Duwende, Labindalawang Masayang Prinsesa, at Anting-Anting. Tampok sina Luz Fernandez at Missy Macuja Elizalde, pupukawin nito ang imahinasyon ng manonood, salamat sa masusing direksiyon ni Roxanne Lapus.
Nauna na itong itinanghal noong Pasko at mapapanood pa itong hanggang Dec. 30 (6 p.m.) at sa Jan. 1 (4 p.m. at 8 p.m.).
Ang palabas ay tatakbo ng isa’t kalahating oras at tuluy-tuloy nang walang intermission.