Imbes na iilan lang ang nakakaalam, pinatulan pa Richard Yap ginawang legit ang tsimis na panghihingi niya sa fans

Hindi mo nga siguro maiaalis kay Richard Yap ang mag-react matapos siyang maitsismis sa isang blog na diumano ay nagsasamantala siya sa kanyang fans. May mga regalo raw na sinasabi ng blogger na hinihingi ni Richard sa kanyang mga tagahanga na hindi naman totoo dahil bago pa naging isang artista ay may sarili na siyang negosyo at may kaya rin naman sa buhay.

Iyon nga siguro ang dahilan kung bakit siya nag-react nang gano’n. Negosyante kasi siya eh, at para sa mga businessmen, kailangan nila talagang pangalagaan ang kanilang reputasyon dahil kung masisira sila ay baka walang ibang magtiwala pa sa kanila.

Siguro nga kailangan pa ng kaunting adjustments sa kanyang buhay si Richard para mas maintindihan niya ang buhay sa showbusiness na kanyang pinasok. Una, sino ba naman ang nakabasa ng blog na iyon? Kung iisipin mo na iilang tao lang naman ang may Internet at iyan namang mga nasa internet shop ang 90% ay hindi naman tumitingin sa mga site kundi games lamang ang ginagawa. At sa rami ng internet sites na puro tsismis sa showbusiness, ilang tao lang marahil ang nakabasa ng paninirang iyon kay Richard.

Noong sagutin iyon ng Kapamilya star, nalagay pa iyon sa mga lehitimong website at nalagay din sa mga tabloid, mas marami ang nakabasa ng kanyang sagot. Pero kung iisipin mo, iyong mga wala namang alam sa blog na iyon, nalaman pa tuloy na may gano’ng tsismis. Siguro ang mas tamang gawin ay ini-ignore lang ang mga ganyang blog eh. Kung pag-aaralang mabuti, mas marami pa ring nakakabasa kahit na ng pinaka-hotoy-hotoy na tabloid kaysa sa mga blogsite na ganyan.

Ang nakakaalam lang ng ganyan ay iyong mga mahihilig din sa tsismis sa showbusiness pero kung publiko ang tatanungin ninyo, wala pa silang alam diyan.

Mga balita sa blogsite, peke!

Noong isang araw, kumalat din sa Internet na namatay daw sa isang aksidente ang singer na si Celine Dion. Hindi totoo pero ang daming naniwala sa Internet. Hindi nila inisip na kung isang celebrity na kasing sikat ni Celine ang magkakaroon ng aksidente, tiyak na nakalabas na iyon sa international news. Mapapanood na ninyo iyon sa cable channels.

Basta sa Internet lang lumabas, malamang sa hindi ay bogus iyan. Kaya sinasabi nga namin eh, ang mga Internet blog site ay hindi pa maaaring ipalit sa legitimate media. Ni walang responsibilidad ang mga iyan eh. Ni hindi mo maidedemanda iyan kung sakali dahil hindi mo naman alam kung totoong pangalan nga nila ang ginagamit ng mga iyon.

Kadalasan wala ka pang makita sa blogs nila kung hindi pictures ng pagkain na kanilang kinain sa mga movie gathering.

Lawrence of Arabia star pumanaw na

Ang talagang yumao na ay ang sikat na “movie star,” kasi siya ang nagsabi, “I’m not an actor. I’m a movie star” na si Peter O’ Toole. Matagal na siyang may cancer pero hindi pa rin maliwanag kung iyon talaga ang kanyang ikinamatay. Sinasabing 81 na pala si O’Toole na nakilala dahil sa pelikula niyang Lawrence of Arabia.

Pero ang napansin lang namin sa report, binanggit ang lahat halos ng mga malalaking pelikula niya kagaya ng Beckett, Lion in Winter, Last Emperor, at iba pa pero nagtataka kami na hindi nila naisama ang controversial na Caligula.

Dahil kaya sa banned ang pelikulang iyon sa maraming bansa dahil sa pagpapakita ng sobra at abnormal na sex?

 

Show comments