Hindi tinao sa isang sinehan ang pelikula ni Paul Walker na inilabas nung isang linggo na ilang araw lang pagkatapos niyang masawi sa pagkakabangga ng kotse. Bukod sa hindi kasi kumalat na palabas na pala ang Hours, na pinakahuli niyang nabuong pelikula, ay medyo malungkot at matamlay ang pagkakagawa sa drama movie ng Hollywood actor.
Ang press release pa naman ng produksiyon nung pagkatapos mamatay ni Paul ay ito na sana ang ipinagmamalaking acting vehicle ng aktor na sumikat sa Fast & Furious movie series. Eh hindi naman pala maganda ang ibinigay na materyal sa kanya. Nauna ang Pilipinas na mag-showing bago sa kanila sa US.
Oo nga at na-solo niya ang Hours kasi halos siya lang talaga ang lumabas sa big screen, tipid sa cast, pero nagmukhang indie film o documentary ang resulta ng ginawa ng director na si Eric Heisserer. Karamihan pa sa eksena ay madidilim ang shot dahil sa istorya ay generator na lang ang nagbibigay ng kuryente sa ospital na tinutuluyan ng bida na first-time daddy at ng kanyang sanggol na naka-incubator. Nag-evacuate na ang mga doktor at pasyente dahil sa pagdating ng mapinsalang Hurricane Katrina. Umikot ang kuwento sa mag-ama na naiwan sa ospital noong 2005 na kasagsagan ng delubyo sa New Orleans.
Malungkot ang Hours dahil sa pinagdaanan ng bidang si Nolan (Paul) na naka-dalawang araw na naabandona sa ospital na walang kuryente, pagkain, at tubig. Matamlay ang daloy dahil madalas ay ang pagtsa-charge ng kuryente sa ventilator ng incubator ng kanyang bagong silang na anak (namatay sa pangaÂnganak ang kanyang misis) ang kanyang inaatupag.
Kaya naman haggard at kaawa-awa na ang hitsura ng bida kahit happy ending pa ang pelikula.
Iilan lang na eksena ang magpapabilis ng tibok ng puso at kabilang dun ‘yung may military man na may hawak na baril at naghahanap ng makakain at ‘yung dalawang lalaki na nagnanakaw naman ng mga droga. Siguro ‘yun ang nagbigay ng kategoryang “thriller†din ang Hours. Ang director kasi ay nakagawa na pala ng mga nakakatakot na pelikula pero hindi naman siya nanakot dito sa Hours.
Mabuti na lang at maganda ang feedback kahit paano kay Paul ng mga kritiko sa Amerika. Pero dito sa Pilipinas ay parang keber lang ang mga Pinoy sa pelikula niya na parang pang-Father’s Day ang tema. Tiyak na mas aabangan pa siya sa action film na Fast & Furious 7.
Pero bukod sa malaking film series, mas gusto kong alalahanin si Paul sa pelikula niyang Eight Below at Into the Blue. Hindi siya malungkot doon at poging-pogi pa ang hitsura.
****
May ipare-rebyu? E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com