Young actor hindi sumakto sa comedy drama, pigil na pigil ang sarili

Hindi masyadong bumagay ang isang young actor sa pelikulang comedy-drama dahil hindi niya masyadong napakawalan ang karakter na kailangan doon. Parang dumikit na sa kanyang katawan ang matagal na ginampanang kontrabida role sa nagtapos na action-fantasy TV series.

Siguro nga ay mahirap naman talagang basta na lang matanggal ang acting niya sa nilabasang patok na serye dahil tumatak din siya roon bilang pinaka-kontrabida ng bidang dramatic actor. Mabuti na lang at hindi nailabas ng poging young actor ang kanyang signature gigil look sa pelikulang comedy at drama.

‘Yun nga lang nagmukhang pigil na pigil naman ang arte niya sa light moments nilang cast na magpa-pamilya kuno.

Hindi siya relaxed tingnan. Nahirapan siyang mag-adjust na biglang comedy film ang kanyang nasalpakan.

paul walker ‘passion project’ ang natapos

Nakakalungkot talaga ang nangyari kay Paul Walker,  kung fan kayo ng aktor tulad ko. Wala yatang hindi nagulat sa uri ng kanyang pagkamatay lalo na nang malamang galing pala siya noon sa kanyang ginawang charity event para makatulong sa mga nasalanta ng bagyong Haiyan/Yolanda.

Nasorpresa rin ang mga Pinoy na malamang may sariling siyang foundation, ang Reach Out Worldwide, na siyang nag-asikaso ng charity event na kanilang dinaluhan ng kapwa niya nasawi sa sports car, ang kaibigan at business partner na si Roger Rodas.

Hindi masasabing A-List actor si Paul at ang tanging claim to fame niya nga lang siguro ay ang Universal movie franchise na Fast & Furious pero sapat na ’yun para makita ang kanyang sariling kakayahan. Lumabas din siya at nagustuhan sa Into the Blue at The Lazarus Project na siya ang pinaka-bida.

Ang 40-year-old star na Paul William Walker IV sa totoong buhay ay nakapag-shooting na ng ilang malalaking eksena sa Fast & Furious 7 kaya malungkot na malungkot ang co-stars niya at buong produksiyon dahil nawalan sila ng itinu­ring na nilang pamilya. Ganun man, made-delay lang ang pagtatapos ng pelikula nila ni Vin Diesel pero tuloy pa rin daw ang lahat kahit wala na ang mabait na karakter niyang Brian O’Conner sa pelikula.

Naalala ko tuloy nung bumisita ang Hollywood cast dito ng Fast & Fu­rious 6 nung Mayo, asar na asar ako kasi si Paul Walker pa ang wala. Iniisip ko na baka sa susunod na siya makakabisita dahil nangako si Vin na gagawa ng mga eksena sa Pilipinas at baka doon na siya sumama. ’Yun pala talagang hindi na siya makakabalik kahit kailan. Namatay si Paul kung saan siya nakilala — sa humaharurot na kotse.

Bago ang ika-pitong Fast & Furious film ng blonde at may blue eyes na aktor ay nakatapos din pala siya ng isang solong pelikula na magpapakita sana ng unang pagsubok niya sa matinding drama na tungkol sa Hurricane Katrina. Nakapag-press junket pa ang mga producer ng Hours dalawang linggo bago nangyari ang malagim na aksidente ni Paul.

Ayon sa balita,  “passion project” ng sumakabilang buhay na aktor ang Hours na palabas na sa mga sinehan sa Pilipinas simula kahapon. Bukod doon, tribute na rin nila ang pelikula kay Paul.

Ang Hours ay kuwento ng isang bagong naging ama na napasugod sa ospital ng New Orleans at inabutan na ng delubyo ng Hurricane Katrina na nangyari noong 2005.

***

May ipare-rebyu? E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com

 

Show comments