Siguro ang mga kabataan ngayon ay hindi na matatandaan ang broadcaster at television host na si June Keithley. Pero iyong mga umabot pa sa EDSA Revolution noong 1986, tiyak na matatandaan siya bilang announcer ng kung tawagin noon ay Radyo Bandido.
Matapos na wasakin ng mga armadong tao ang transmitter ng Radio Veritas noon na siyang ginagamit ng mga nagrebolusyon at kung saan unang nanawagan ng People Power ang noon ay arsobispo ng Maynila, Jaime Cardinal Sin, wala nang mapakinggan ang mga tao, hanggang sa bigla na lang nag-on the air ang tinawag nilang Radyo Bandido.
Iyong Radyo Bandido na hindi ma-locate ng militar kung nasaan ay nasa isang building sa Sta. Mesa, Maynila. Iyon ang dating dzRJ o ang AM station ng Rajah Broadcasting, at ang boses na naririnig ay ang boses ni June Keithley. Wala siyang pahinga sa tuluy-tuloy na pagbo-broadcast kung ano ang nangyayari at kung ano ang mga panawagan mula sa EDSA. Ang pahinga lang niya ay ang pagpapatugtog ng kantang Mambo Magsaysay. Ang kantang ginamit sa kampanya ni Presidente Ramon Magsaysay, na ginawa ng dating senador Raul Manglapus at inawit naman ni Rosita dela Vega.
Matapos iyon, si Keithley naman ay gumawa ng isang serye tungkol sa mga aparisyon ng Mahal na Birheng Maria, na lumabas bilang isang serye sa telebisyon. Isa iyong documentary ng mga aparisÂyon ng Birhen at siyang nagbigay daan para muÂling maimbestigahan ng simbahan ang milagrong naganap sa Carmelite Convent sa Lipa, Batangas na noong araw ay hindi man ganap ang imbestigasyon ay idineklara nang fake na milagro. Pero patuloy na pinaniwalaan iyon ng mga deboto at naglabas sila ng mga ebidensiyang kanilang nakuha.
Dahil doon ay naglabas din ng statement ang paring Heswitang si Rev. Fr. Lorenzo Ma. Guerrero, na habang ang kanyang tiyuÂhin, si Bishop Cesar Guerrero, ay nabubuhay pa ay narinig niyang sinabi na pinirmahan nila ang dokumento na nagsasabing fake ang milagro sa Lipa dahil pinilit silang gawin iyon. Inilabas lahat iyon ni June Keithley sa telebisyon at hindi nagtagal ay muÂling pinayagan nang noon ay Arsobispo ng Lipa, Mariano Gaviola, na muling ilabas sa simbahan ang imahen ng birheng Mediatrix of All Grace.
Si June Keithley ay kinikilala hinÂÂdi lamang dahil sa mga bagay na pulitikal kundi dahil din sa kanyang debosyon sa Mahal na Birheng Maria. Siya’y pumanaw na sa edad na 66, noong Linggo, kapistahan ni Kristong Hari.
Jessica pumuntos sa pagkanta ng Lupang Hinirang
Isa lang ang masasabi namin matapos mapanood ang huling laban ni Rep. Manny Pacquiao. Natuwa kami dahil kinanta nang tama ni Jessica Sanchez ang pambansang awit ng Pilipinas. Hindi siya nagÂyabang kagaya ng iba na pilit pinapalitan ang tono ng pambansang awit para lamang palabasing magaling silang singer.
Sana ang lahat ng mga susunod na kakanta ng Lupang Hinirang ay aawit nang kagaya ni Jessica.
‘Hindi totoo na involved kami sa anumang award-giving body’
May nagtanong sa amin, totoo raw ba ang mga nababalitang lagayan sa award-giving boÂdies? Ang sagot, hindi po namin alam dahil hinÂdi kami involved sa anumang award-giving body. Dati ay nakasali kami sa ilan, tinalikuran na namin lahat iyon, at hindi kami nakikisali sa anumang bigayan ng awards.
At kung may nagsasabi na kabilang kami sa mga award-award na ’yan, kami po ang nagsasaÂbing hindi totoo iyon.