Mga TV reporter sinagasa ang mata ni Yolanda

 Malakas ang impact ng video ni Atom Araullo habang nasa gitna ito ng malakas na bagyo at nagbibigay ng report mula sa Tacloban City, Leyte.

Tinanghal na bayani si Atom pero hin­di siya nag-iisa dahil kapag napanood ninyo ang report nina Jiggy Manicad at Love Añover, sasabihin ninyo na lahat sila ay bayani. Sinagasa nila ang malakas na bagyo at ang tubig baha para makapag­ha­tid ng balita.

Asahan natin na mas matitindi na mga video ang mapapanood natin sa mga news program tungkol sa malaking pinsala na iniwan ni Super Typhoon Yolanda.

Dapat panoorin ni Rico Robles ang mga nangyari sa mga kababayan natin na sinalanta ni Yolanda para hindi na niya sabihin na tinatakot ng paulit-ulit na babala ng PAGASA ang mga Pinoy. Marami sa mga kababayan natin ang nasawi dahil sa lupit ni Yolanda.

I’m sure, hindi carry ng powers ni Rico ang gi­na­wa nina Atom, Jiggy, at Love na literal na sina­lubong ang mata ng bagyo. Siguro naman, natuto na ng lek­siyon si Rico, maging maingat siya sa pagsasalita, lalo na kung may kinalaman sa mga kalamidad ang isyu.

Wala nang dapat ipag-alala ang fans ni Atom Araullo dahil maayos na maayos ang kanyang kalagayan sa Tacloban.

Nag-worry ang supporters ni Atom dahil nawalan ito ng komunikasyon sa ABS-CBN, pagkatapos ng report niya tungkol sa hagupit ni Yolanda.

Ligtas si Atom at ang TV crew ng ABS-CBN. Nawala ang komunikasyon sa Leyte dahil ito ang binayo nang todo ni Yolanda.

Walang kuryente sa Tacloban, sira ang mga kalsada kaya naglalakad nang malayo ang mga news team para makarating sila sa kanilang mga pupuntahan. Anim na oras ang nilakad ni Jiggy bago nito narating ang isang bayan sa Leyte na winasak ni Yolanda. Ito ’yung may nakakadurog-puso na eksena na karga-karga ng isang ama ang kanyang walang buhay na anak.

Kailangang-kailangan ng mga kababayan natin sa Leyte ang tulong. Walang mayaman at mahirap kapag may kalamidad at sa mga ganitong pagkakataon, kumikilos ang mga kababayan natin para tulungan ang mga biktima ni Yolanda.

Asahan natin na magkakaroon uli ng mga benefit show ang mga sikat na performer para sa mga nasalanta ng bagyo. Tiyak na magkakaisa sila sa paglulunsad ng mga benefit show at ito ang perfect opportunity para mag-join si Rico Robles.

 

Show comments