MANILA, Philippines - Kilala bilang isang triathlete ang aktor na si Matteo Guidicelli, ngunit paano niya haharapin ang mga hamon ng sport kapag naranasan niyang maging isang taong may kapansanan? Iyan ang alamin sa isang nakakaantig at maaksiyong episode ng I Dare You ngayong Sabado (Nov 9) kung saan masasaksihan ang isang naiibang Matteo na wala ang kanyang isang paa.
Isa lamang iyan sa mga mabibigat na pinagdaanan ni Matteo upang lubos niyang maintindihan ang kalagayan ng mga taong may kapansanan.
Mas sinubok pa ang tibay ng loob niya sa kanyang pagsalang sa triathlon training bilang bahagi ng isang relay triathlon team kasama ang Bidang Kapamilya na si Al Gutierrez, isang triathlete na naputulan ng paa. Dumoble pa ang hirap ni Matteo matapos sumuko sa laban ang isang teammate nila, ang aktres na si Aubrey Miles, at pinasan nito ang papel bilang parehong swimmer at runner sa team.
Sa kabila ng sunud-sunod na tapings, nagsanay sina Matteo at Al upang makilahok sa isang totoong triathlon laban sa ibang beteranong triathletes. Normal nang naglalaan ng dedikasyon at pagsisikap ang mga atleta sa kanilang sports, ngunit magbibigay ng pag-asa at inspirasyon sina Matteo at Al kapag natapos nila ang karera.
Napagtagumpayan kaya nila ito? Tutukan ang I Dare You Season 2 kasama sina John Prats, Deniesse Aguilar, Robi Domingo, at Melai Cantiveros ngayong Sabado (Nov 9), pagkatapos ng MMK sa ABS-CBN.