Kitang-kita raw na may hawak na tubo Mark Herras at mga kasama inireklamo ng pambubugbog ng taxi driver!

MANILA, Philippines - Nalalagay sa alanganin ang pangalan ng aktor na si Mark Herras matapos na masangkot sa pananakit kasama ang kanyang grupo sa isang taxi driver dahil lamang sa simpleng gulo sa trapiko sa Quezon City na iniulat kahapon.

Ayon sa Quezon City Police Station 10, si Herras kasama ang apat pang kalalakihan ay inireklamo ng pananakit ng isang Salvador Ogdiman, 42, may-asawa ng No. 50 Daan Tuba, Diliman sa lungsod.

Ayon kay PO2 Myron Foroson, may hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may panulukan ng Scout Torillo at Scout Rillos Streets nitong Sabado ng alas-singko ng hapon.

Ayon kay Ogdiman, sakay siya ng kanyang pinapasadang Cord Taxi (UVG-680), kasunod ang isa pang sasakyan at isang kulay itim na RAV 4 na may dulong number na 597 nang muntik na silang magkabanggaan nito.

Dahil wala namang nangyari, dumiretso na si Ogdiman pero hinabol pa umano siya ng RAV 4 dahilan para siya huminto at buksan ang kanyang bintana.

Nang magbukas din umano ng bintana ang grupo ni Herras ay pinagsalitaan na siya ng masasama bago tuluyang nagsipagbabaan ang limang lalaki kasama si Herras.

Mula dito ay bumaba na rin ng taksi si Ogdiman hanggang sa lapitan siya ng isa sa kasamahan nito at sinuntok sa mukha at likuran ng ulo.

“Kilalang kilala ko po si Mark Herras kasi idol ko siya. Sayang lang po dahil masama ang ginawa niya. Si Mark Herras po ang may hawak ng parang tubo ng oras na ’yon pero inawat lang siya ng ilang kasamahan,” sabi pa ng taxi driver.

Natigil lamang ang pananakit nang magpasya si Ogdiman na umalis sa lugar at saka nagtungo sa malapit na ospital para magpagamot, bago tuluyang nagtungo sa himpilan ng PS10 para magreklamo.

Sabi pa ni Ogdiman, isusulong niya ang pagsasampa ng kaso laban sa grupo ni Herras dahil nasaktan siya ng mga ito ng wala namang umano siyang ginagawang masama.                                                   

Show comments