Cristine gagawin ang Miss X ni Vilma Santos

Si Cristine Reyes na ang napili para magbida sa sequel ng 1980 controversial film ni Gil Portes na Miss X na pinagbidahan noon ni Vilma Santos. Viva Films ang producer.

Hindi ito remake ng naturang pelikula na gumanap si Vilma bilang isang prostitute sa Red Light District ng Amsterdam, The Netherlands. Sequel ito na gaganap si Cristine bilang anak na ni Vilma na isang call center agent. Hahanapin niya ang kanyang ina sa Amsterdam at madidiskubre niya ang kakaibang mundo na pinagtaguan ng kanyang ina bago siya ipinagbuntis.

Gusto nga ni Direk Gil na si Aljur Abrenica ang maging leading man ni Cristine. Gagampanan ng aktor ang boyfriend na susundan si Cristine sa Amsterdam para sunduin at umuwi na sila ng Pilipinas.

Sa January 2014 na ang simula ng shooting ng Miss X at kalahati ng pelikula ay kukunan sa Amsterdam.

Kung matatandaan ay si Katrina Halili ay napili na noong 2008 ni Direk Gil na gumanap sa remake at OctoArts Films sana ang producer. Pero na-shelve ang project dahil sa pagkalat ng sex video ni Katrina kasama si Hayden Kho, Jr. Hindi na itinuloy ang project dahil baka hindi pa kumita dahil sa sex video scandal.

Ngayon ay hindi na remake kundi sequel na ang gagawin ni Direk Gil na mula sa screenplay ni Enrique Ramos.

Eugene nagyayaya sa Tokyo para sa bagong indie film

Lumipad patungong Tokyo, Japan si Eugene Do­min­go para sa world premiere ng kanyang bagong pelikula na may titulong Barber’s Tales (Kuwentong Barbero).

Nag-post pa nga si Uge ng mensahe sa kanyang Facebook page tungkol sa kanyang pelikula:

“If you are in Tokyo or you have friends in Tok­yo (please spread the word) please watch the world premiere of BARBER’S TALES at the 26th Tokyo International Film Festival. I will see you there. With Writer / Director Jun Lana MARAMING SALAMAT!”

Kasama ang Barber’s Tales sa 15 films for main competition sa Tokyo International Film Festival at gina­gam­panan ni Uge ang biyuda role na namana ang isang barber shop mula sa kanyang yumaong mister noong panahon ng Martial Law. 

Casey Kasem ilang buwan na lang ang taning nakatikim pa ng demanda ng caregiver

 Ilang buwan na nga lang ang natitirang buhay para sa pamosong TV host at radio disc jockey noon na si Casey Kasem. Ayon nga sa asawa ni Casey na si Jean ay naghihintay na lang sila kung kelan bibigay ang kanyang mister.

Pero may hinaharap na isang demanda ang mag-asawa mula sa isang caregiver na nagngangalang Hilda Loza.

Ayon sa demanda ng caregiver, minaltrato at dinaya siya ng misis ni Casey habang empleyado siya ng mga ito.

Noong magkaroon ng hearing ay hindi nakarating si Jean at ang abogado lang nito ang humarap.

“My husband is terminally ill and I’m unable to leave home,” pahayag na lang ni Jean.

Nabasura ang reklamo ng caregiver dahil kulang ito sa mga tamang ebidensiya para mademanda ang mag-asawang Casey at Jean.

 

Show comments