‘Away’ nina Marian at Angel buhay na buhay pa rin

Nakakaloka ang fans nina Angel Locsin at Marian Rive­ra dahil affected pa rin sila ng rivalry ng dalawa na nagsimula pa noong 2007.

Utang na loob, six years na ang nakalilipas. Mag-move on na kayo, ’no?! Walang pinag-aawayan sina Angel at Marian. Nagkataon lang na si Marian ang ipinalit kay Angel bilang Mari­mar dahil lumipat siya sa ABS-CBN.

Walang personal na isyu sa dalawa. Ka­tsipan kung pahihirapan ng fans ang kanilang sarili sa isang rivalry na kababawan lang.

LJ natupad ang ambisyong maging TV host

Kasali si LJ Reyes sa cast ng She’s the One, ang pelikula nina Bea Alonzo at Ding­dong Dantes.

TV host ang role ni LJ sa pelikula ng Star Cinema. Gustung-gusto ni LJ ang kanyang role dahil panga­rap niya na maging TV host.

Nag-audition pa nga siya nang maghanap ang GMA 7 ng showbiz news anchor para sa 24 Oras Weekend. Hindi pa natin napapanood si LJ sa 24 Oras kaya may idea na tayo sa naging resulta ng audition niya.

Bea at Dingdong malakas ang dating

Mabilis ang shooting ng She’s the One dahil walang conflict sa mga schedule nina Bea Alonzo at Dingdong Dantes.

Bagay na lovers sa pelikula sina Dingdong at Bea dahil may chemistry sila. May kilig ang kanilang mga eksena sa teaser ng She’s the One na showing na sa mga sinehan sa Oct. 16. Ganyan kabilis gumawa ng pelikula ang Star Cinema, lalo na kung very cooperative ang kanilang mga artista.

Sosyal na birthday party ng anak nina Katrina at Kris isinikreto para hindi dagsain ng sindikato

Kahapon ang 1st birthday party ni Katie, ang anak nina Katrina Halili at Kris Lawrence. Sosyal ang birthday celebration ng bagets dahil gi­as­tusan ito ng kanyang mga magulang. Hindi sinabi ang venue ng party ni Katie para hindi makapunta ang mga gaka na bumuo na yata ng sindikato. Ginagawa na nilang bisyo ang mag-gatecrash sa mga binyag, kasal, at birthday par­ties. Ganyan na katindi ang kanilang pangangailangan.

Anyway, ang bilis ng panahon. Parang kailan lang nang i-announce ni Katrina na preggy siya at si Kris ang ama. Marami ang nagulat dahil low profile ang kanilang relasyon. Ang akala ng iba, hindi na magkakabalikan ang da­lawa pagkatapos masangkot ni Katrina sa isang malaking kontrobersiya.

Yayo ngayon lang nagdadalaga!

Hindi pa nagkakabalikan si Yayo Aguila at ang kanyang mister na si William Martinez pero friends pa rin sila.

Ikinuwento ni Yayo sa presscon ng Kahit Nasaan Ka Man ang sitwasyon nila ni William na naging asawa niya noong 16 years old pa lamang siya.

Forty-seven years old na ngayon si Yayo pero bagets looking pa rin. Pareho sila ni Rep. Lani Mercado na habang nagkakaedad ay lalong gumaganda.

Hindi masyadong na-enjoy ni Yayo ang pagiging dalaga dahil menor de edad siya nang magsama sila ni William. Kumbaga, ngayon pa lamang niya ini-enjoy ang buhay-dalaga at hindi pa huli ang lahat. Sa ganda ni Yayo, imposible na mawalan siya ng manliligaw.

Show comments