MANILA, Philippines - Ang pagsulong ng teknolohiya ay nakakatulong sa mga doktor para tukuyin ang iba’t ibang klase ng sakit.
Ngayong Sabado, Agosto 31, aalamin ng Pinoy MD ang kakaibang teknolohiya ng pillcam, isang maliit na camera na maaaring inumin na parang kapsula para makuhanan ang iba’t ibang imahe sa loob ng bituka.
Dahil sa teknolohiyang ito, hindi na kailangang operahan ang mga may problema sa bituka para malaman ang sanhi ng kanilang sakit. Ang mga laging sumasakit ang tiyan o tagiliran o mga dinurugo, mas magkakaroon ng malinaw na diagnosis sa pamamagitan nito. Alamin ang kakaibang imbensiyong ito ngayong Sabado.
Sisilipin din ng Pinoy MD ang katotohanan sa likod ng ilang problema sa mata tulad ng kuliti o ang pagiging kirat. Kailan ba dapat hayaan ang pamamagang ito at kailan naman dapat na ipakonsulta na sa doktor? Samantala, ayon naman sa ilang eksperto, ang pagiging kirat daw ay maaaring magdulot ng paglabo ng mata.
Bawat Sabado, serbisyo-publiko ang hatid nina Connie Sison, Dr. Jean Marquez, Doc Dave Ampil II, Dr. Raul “Dr. Q†Quillamor, at Doc Oyie Balburias sa pamamagitan ng pagdadala ng tamang health information. Mapapanood ang Pinoy MD, alas-sais ng umaga, sa GMA 7.