Hindi malimutan ang karanasan Cesar, Lovi, at Rocco sinagupa ang bagyo at habagat sakay ng eroplano

Nag-promote sa Kadayawan Festival ng Davao ng kanilang coming soon show sa GMA 7 ang mga artista ng Akin Pa Rin ang Bukas.

Magkakasama sa Davao noong Sabado at Linggo sina Lovi Poe, Cesar Montano, at Rocco Nacino.

’Yun ang araw na nagsimula na bumuhos ang ulan sa Metro Manila dahil sa habagat at Typhoon Maring. Naloka ang mga artista at staff ng Akin Pa Rin ang Bukas nang bumalik sila sa Maynila noong Linggo dahil sa tindi ng turbulence. Malikot daw ang lipad ng eroplano kaya afraid na afraid sila.

Nakabalik ng maayos sa Maynila ang grupo pero hindi nila makalimutan ang kanilang karanasan. Ang feeling nila, sumagupa sila kay Maring at sa habagat na dala nito.

Health reasons ang dahilan kaya pinalitan ni Liza Lorena si Helen Gamboa sa drama series ng GMA 7, ang Akin Pa Rin ang Bukas.

 May mga makukulit na nagtatanong, ano raw ang karamdaman ni Helen? Anong health reasons? Ang sabi ng aking informer, madalas na sumpungin ng vertigo si Helen kaya pinayuhan siya ng kanyang doktor na magpahinga muna.

Maghapon at magdamag ang taping ng mga teleserye. Mahirap nga naman na sumpungin si Helen ng vertigo habang nasa set siya ng Akin Pa Rin ang Bukas. Saka mas mahalaga ang kalusugan kaya sinunod ni Helen ang advise ng doktor na magpahinga siya. Madali naman para sa mga katulad niya na isang mahusay na aktres ang magbalik sa showbiz kapag maayos na ang kanyang pakiramdam.

Paalam, Ernie Enrile

Sana naman, sumikat na ngayon ang araw dahil hindi na nakakatuwa ang apat na araw na pagbuhos ng malakas na ulan.

Libu-libo ang mga kababayan natin ang nangangailangan ng tulong dahil biktima sila ng baha. Nakakatuwa ang mga artista dahil sa kanilang mga sariling paraan, nagbigay sila ng tulong, in kind and in cash, sa mga naapektuhan ng bagyo at habagat.

Hindi nagpabaya ang mga television network dahil nagpadala rin sila ng tulong sa mga biktima ng kalamidad. Muling nakita ang pagkakaisa ng mga Pilipino sa panahon ng pagsubok ng kalikasan.

Kasabay ng pagbaha at pagbuhos ng ulan kahapon ang malungkot na balita tungkol sa pagpanaw ng entertainment journalist na si Ernie Enrile.

Natagpuan kahapon sa kanyang bahay sa Tatalon, Quezon City ang lifeless body ni Ernie. Ayon sa mga imbestigador, tatlong araw nang patay si Ernie na ipina-cremate rin kahapon pagkatapos ng autopsy sa Camp Crame sa Quezon City.

Hinihintay ang resulta ng autopsy para malaman ang tunay na dahilan ng kanyang pagpanaw pero, ayon sa mga saksi, hawak-hawak ni Ernie ang dibdib at parang kinapos ito sa paghinga nang makita siya sa kuwarto niya.

Nakaburol ang mga labi ni Ernie sa Funeraria Nacional sa Araneta Avenue, Quezon City. Nakikiramay ang diyaryong ito at pati na ang Pilipino Star Ngayon sa lahat ng kanyang mga naulila.

                                          

 

Show comments