Phil at Angel nararamdaman na sila ang magkakatuluyan

Inamin ni Phil Younghusband na talagang mahal niya ang girlfriend na si Angel Locsin, at sinasabi nga niyang ang gusto niya ay magkasama sila nang habang buhay, pero sinasabi niya na kahit alam niyang sigurado na siya sa kanyang nararamdaman at sigurado na rin naman siya sa nararamdaman ni Angel para sa kanya, hindi pa niya itong niyayayang pakasal.

Ang katuwiran niya, napakaganda ng takbo ng career ni Angel sa ngayon at tiyak na maaapektuhan iyon kung magpapakasal na silang dalawa. Ok lang iyong may relasyon silang ganyan, nakakatulong iyon sa popularidad ni Angel dahil kinikilig talaga ang mga fans sa kanilang dalawa. Nakakatulong din naman sa kanya dahil nakukuha niya ang suporta ng masa para sa kanilang sport. Bago naman iyang magkapatid na Younghusband, at maging girlfriend ni Phil si Angel, hindi naman ganyan katindi ang interest ng mga Pilipino sa football.

Alam ni Phil na pareho rin sila ng sitwasyon ni Angel. Hindi masasabing habang panahon ay ganyan ang popularidad ni Angel. Siya rin naman, hindi masasabing hindi siya tatanda at kung mangyari iyon ay kailangang iwanan na niya ang football. Kung wala na siya sa football, hindi na siya celebrity at kasabay noon mawawala rin ang mga ginagawa niyang endorsements. Kaya tama lang ang sinasabi niya na samantalahin muna nila ang kanilang career habang sikat pa sila. Napaghahandaan din nilang mabuti ang kanilang kinabukasan, at sa kaso nga ni Angel alam din naman nating umaasa rin sa kanya ang kanyang pamilya.

Kung magpapakasal na nga naman sila, maraming mga bagay na mawawala. Hindi talaga maiiwasan na mababawasan ang kanilang popularidad. Hindi mo na puwedeng basta itambal si Angel sa kahit na sinong artista. Si Phil naman, siguradong mababawasan ang kanyang mga female fans, kasi may asawa na nga siya.

At saka sa totoo lang, mga bata pa naman sila. Mahaba pa ang panahon nila.

Rocco Nacino nakisawsaw sa isyu ni Dan Brown kahit hindi nabasa ‘yung libro

Sumakay naman sa issue pati iyong si Rocco Na­cino eh ni hindi pa pala naman niya nababasa iyong libro ni Dan Brown. Kalokohan iyong mag-comment ka nang hindi mo pa alam kung ano iyong sinasabi mo.

Doon sa bagong libro ni Dan Brown, sa page 352, inilarawan ng character na si Sienna Brooks kung ano ang kanyang nakita habang nagsasagawa ng humanitarian work sa Maynila. Marumi, maraming baha, laganap ang kahirapan, tambak ang basura at halos maamoy mo na ang dumi ng tao, laganap ang krimen at lalo na ang prostitusyon maging ng mga bata.

Eh ano ba naman ang bago roon, manood ka nga lang ng 24 Oras o TV Patrol may mga ganyang is­torya rin naman maya’t maya, mas masahol pa diyan ang mapapanood mo iyong ibang public affairs program. Pati sa sinehan may mga bakla pang naglalampungan.

Dahil doon nasabi ng character na “I’ve run through the gates of hell.” Ni hindi diretsahang sinabi na ang Maynila ay “gates of hell.” Maski na ang aming hinahangaang si Archbishop Oscar Cruz, palagay namin hindi pa nababasa iyong libro eh. Pero siyempre hindi siya payag diyan dahil ang libro ay tungkol sa population control, katulad din ng iba pang nobela ni Brown na laban sa turo ng simbahan. Kasi atheist iyang si Brown. Walang Diyos na kinikilala iyan.

Show comments